HINDI pa rin huhulihin ang mga mag-asawa o magka-live in na magka-backride sa motorsiklo matapos iatras ng Joint Task Force (JTF) COVID-19 Shield ang July 19, 2020 deadline sa paglalagay ng barrier ng mga rider.
Sa Laging Handa public press briefing, sinabi ni JTF COVID-19 Shield chief Police Lt. Gen. Guillermo Lorenzo Eleazar na pinalawig nila ang deadline hanggang July 26, 2020 para makatugon ang mga motorcycle rider sa kautusang paglalagay ng barrier sa kanilang motorsiklo para maiangkas ang kanilang asawa o live-in partner.
Ayon kay Eleazar, may basbas ng Inter-Agency Task Force (IATF) ang nasabing extension upang bigyan pa ng sapat na panahon ang mga motor rider na maglagay ng barrier sa pagitan nila ng pasahero. Ito ay bahagi ng pag-iingat para makaiwas sa hawahan ng COVID-19.
Dahil dito, hindi pa rin manghuhuli ang pulisya ng mga rider na walang barrier hanggang July 25, 2020.
Matatandaang pinayagan ang back ride dahil na rin sa kakulangan ng transportasyon bunsod ng limitadong kapasidad para masunod ang physical distancing.
Mayroong dalawang disensyo na inaprubahan ang task force na maaaring gayahin ng mga rider. (ANNIE PINEDA)
