Death toll sa lindol: 6 NAKIPAGLAMAY NABAGSAKAN NG BATO, PATAY

patay

UMAKYAT na sa anim ang bilang ng mga namatay sa Cordillera Region bunsod ng magnitude 7.0 earthquake na tumama sa Hilagang Luzon, matapos itong madagdagan ng isang na lalaki na nabagsakan ng mga bato habang nakikipaglamay.

Sa ulat na ipinarating sa National Disaster Risk Reduction and Management Council, isang lalaki  ang natabunan ng gumuhong lupa at mga bato sa Monamon Sur, Bauko, Mountain Province habang ito ay dumadalo sa lamay noong Huwebes ng umaga.

Kinilala itong si Andres Sagayo, 59, mula sa Pactil, Monamon Sur, Bauko, Mt. Province.

Pinangunahan ng PNP at AFP ang rescue operation para kay Sagayo na tumagal ng isa at kalahating oras at naitakbo pa ito sa pagamutan sa Benguet ngunit idineklarang dead on arrival.

Samantala, naidagdag na rin sa listahan ng mga namatay ang isang magsasaka sa Buguias, Benguet na namatay matapos itong mag-panic at atakehin sa puso habang nasa bukid kasunod ng malakas na lindol kahapon.

Matatandaang kabilang sa unang naitalang namatay ang isang construction worker sa La Trinidad, Benguet; isang construction worker sa Tuba, Benguet, isang construction worker sa Kalinga at isang residente sa Abra.

Samantala, umabot na sa 137 ang bilang ng mga sugatan bunsod ng malakas na lindol na tumama sa Cordillera Region.

Patuloy pa rin ang isinasagawang assessment ng mga awtoridad tungkol sa epekto ng lindol.

Ayon kay National Disaster Risk Reduction and Management Council (NDRRMC) Spokesperson Mark Timbal, umabot na sa 137 ang reported injuries habang apat ang nawawala.

Kabuuang 79,260 indibidwal o 19,486 families mula sa 246 na mga barangay sa Ilocos Region at Cordillera ang naapektuhan ng lindol.

Nasa 1,622 pamilya o 5,819 indibidwal naman ang nananatili pa rin sa 26 evacuation centers habang 360 pamilya o katumbas ng 1,512 indibidwal ang nakikitira sa kanilang mga kamag-anak.

Nananatili naman sa open spaces malapit sa mga ospital ang mga pasyenteng inilikas dahil sa lindol. (JESSE KABEL)

196

Related posts

Leave a Comment