Defensor ilalaban ang Ivermectin kontra COVID-19 PUBLIKO DESPERADO NA SA GAMOT

(BERNARD TAGUINOD)

HINDI masisisi si Anakalusugan party-list Rep. Mike Defensor at ang iba pang mga sumasang-ayon at ipinaglalaban ang Ivermectin dahil desperado na umano ang mga tao na magkaroon ng proteksyon laban sa COVID-19.

Ito ang tinuran ni dating Health secretary at ngayo’y Iloilo Rep. Janette Garin lalo na’t wala aniyang sapat na supply ng bakuna sa bansa at tumataas pa ang bilang ng mga Pilipinong tinatamaan ng nasabing virus.

“Hindi mo sila masisi dahil deperado na sila kasi walang bakuna,” ayon sa mambabatas bagama’t sinabi nito na kailangan pa ring mag-ingat dahil wala pang patunay na epektibo ang nasabing gamot laban sa COVID-19.

Kailangan aniyang tulungan ng mga mambabatas ang kanilang mga constituent kaya lahat ng paraan ay gagawin ng mga ito upang maproteksyunan ang mga tao laban sa nasabing virus.

Si Defensor kasama sina Deputy Speaker Bernadette Herrera, 1PACMAN party-list Rep. Enrico “Eric” Pineda, Deputy Speaker Rodante Marcoleta at iba pa ay mga kilalang nagtutulak sa paggamit ng Ivermectin para makontrol ang COVID-19 sa bansa.

Ang nasabing gamot ay ininom din ni Defensor nang tamaan ito ng COVID-19 noong nakaraang buwan na sinabayan niya ng paracetamol at vitamins kaya nakarekober umano ito sa nasabing virus.

Sinabi rin ni Pineda na Ivermectin ang ininom ng kaibigan ng kanyang anak na nagkaroon ng COVID-19 at gumaling sa naturang sakit.

Sinabi ni Garin na kung siniguro lang ng gobyerno na magkaroon ng sapat na supply ng COVID-19 vaccines ay hindi maghahanap ng ibang solusyon ang mga tao para maproteksyunan sila sa nasabing virus.

Mula noong Pebrero 28, 2021 ay 3.5 million doses pa lamang ang dumating na bakuna sa bansa na kinabibilangan ng 1 milyong Sinovac na donasyon ng China, karagdagang 1 million (Sinovac) na binili ng gobyerno at 526,000 doses ng AstraZeneca na libreng ibinigay naman ng World Health Organization (WHO).

Malayong-malayo ito sa 140 milyong doses na kailangan para mabakuhan ang may 70 milyon Pilipino para makamit ang herd immunity ng bansa at makabalik na sa normal na buhay ang mamamayan.

 

‘DI KAILANGAN

Samantala, naniniwala ang Department of Science and Technology-Philippine Council on Health Research and Development (DoST-PCHRD) na hindi na kailangang isalang ang Ivermectin sa clinical trial sa Pilipinas dahil nakatapos na ito ng 20 clinical trials sa United States (US).

Bukod d’yan, 40 clinical tirals pa ang isinasagawa ng ibang bansa upang malaman kung totoo ang “nadiskubre” ng ilang manggagamot at dalubhasa sa coronavirus disease-2019 (COVID-19) na epektibo ang nasabing gamot laban sa matinding virus na nagsimulang umatake sa tao nitong 2020.

Inihayag ng DoST-PCHRD na “to await the results of these studies that are already significantly advanced in terms of data collection and conducting interim analyses”.

Ang DoST ang kagawaran ng ahensiya na aktibo laban sa COVID-19.

Nagsasagawa ito ng mga masusing pag-aaral hinggil sa anomang panlaban at panggamot laban sa naturang virus.

Ang pananaw na ito ng DoST-PCHRD ay taliwas sa posisyon at paninindigan ng Department of Health (DOH) at Food and Drug Administration (FDA) na nanghihingi ng maraming rekesito sa Ivermectin.

Iniungos ng DOH, lalo na ng FDA, na kailangang sundin ng mga kumpanya at mga doktor na magsagawa ng clinical trial na magpapatunay na mabisa ang Ivermectin sa COVID-19.

Iginiit ng ilang doktor na epektibo ang Ivermectin laban sa COVID-19.

Sabi ni Dr. Allan Landrito, dating health officer sa lungsod ng Muntinlupa, walong libo na ang naging pasyente niyang napagaling ng Ivermectin.

Nabanggit ding mababa ang presyo nito kumpara sa mga bakunang gawa ng China at mga bansa sa Europa.

Kamakalawa, idiniin ni FDA director general Eric Domingo na sundin ng lahat ng doktor at mga kumpanyang gagamit ng Ivermectin ang mga rekesito bago maglabas ng “opisyal” na kautusan ang nasabing ahensiya. (NELSON S. BADILLA)

228

Related posts

Leave a Comment