DEHADO ANG MIDDLE CLASS

DPA ni BERNARD TAGUINOD

DEHADONG-DEHADO ang middle class sa mga congressman at senador dahil sa pamumulitika ng mga ito. habang binebeybi naman nila ang upper class at lower class kung saan nanggagaling ang malaking bulto ng boto.

Bakit kanyo? Sa middle class galing ang malaking bahagi ng buwis lalo na ang income tax na agad na kinakaltas sa kanilang sahod bago pa matanggap ng mga ito ang kanilang suweldo, excise tax kapag nagpakarga sila ng gas sa kanilang sasakyan at value added tax (VAT) kapag ibinili nila ang natirang pera ng kanilang sahod.

Kapag nangungutang ang gobyerno, ang middle class ang nagbabayad sa principal at interest ng utang na ito at kapag nagtataas ng buwis ang mga politiko sa pamamagitan ng ipinapasang batas, sa kanila rin kinukuha ang karagdagang buwis.

Pero ang lower class na tinatawag ay alagang-alaga ng mga politiko dahil sila ang nagluluklok sa kanila sa kapangyarihan at hindi ang middle class na iilan lang at hindi naman lahat ay bumoboto tuwing eleksyon.

Sa susunod na taon, mahigit dalawang daang bilyong piso ang ipamimigay na ayuda ng gobyerno sa mga indigent o mahihirap na sektor ng lipunan para raw tulungan silang makaahon sa hirap.

Tumataging na P113 bilyon lang naman ang pondo sa Pantawid Pamilyang Pilipino Program o 4Ps, sa susunod na taon para sa 4.4 bilyong mahihirap na pamilya na may mga anak na nag-aaral sa elementarya at high school.

Magkakaroon din ng P63.9 bilyon para sa AICS o Assistance to Individuals in Crisis Situation sa susunod na taon, na ginagamit ng mga politiko para magkaroon ng utang na loob ang mga tao sa kanila.

‘Yung Medical Assistance to Indigent and Financially Incapacitated Patients o MAIFIP program, ay nilagyan ng P51.6 bilyon sa susunod na taon, na ginagamit ng mga politiko para tulungan daw ang mahihirap nilang mga constituent na nagkakasakit at walang pambayad sa hospital.

Sa lahat ng mga programang ito, etsapuwera ang middle class dahil may kakayahan naman daw silang magbayad ng kanilang hospital bills kapag may nagkakasakit sa kanila at karamihan daw naman sa kanila ang may HMO.

Tanging ang mga walang trabaho o regular na income ang binibigyan ng mga ayudang ito kaya hindi kuwalipikado ang middle class, kaya dehadong-dehado sila dahil hindi pantay ang pagtingin ng gobyerno sa kanyang mamamayan.

Tungkulin ng gobyerno na tulungan ang lahat ng mamamayan pero ang middle class ang napababayaan dahil siguro wala silang puwersa para magpanalo ng mga politiko kumpara sa lower class.

Ang daming tulong ng gobyerno sa upper class tulad ng tax exemption, tax holidays at kung ano-ano pa dahil silang mga negosyante ang tuloy-tuloy ang ayuda sa lower class, pero ang middle class ang ginagatasan na, pinahihirapan pa!

108

Related posts

Leave a Comment