IPINAUUBAYA ni Senador Bong Go sa mga lokal na pamahalaan ang deklarasyon ng suspensyon ng klase sa kani-kanilang nasasakupan sa gitna ng mga kalamidad na nananalasa sa bansa at patuloy na COVID-19 pandemic.
“No face to face learning naman tayo, no vaccine, no face to face learning, ibig sabihin andun lang tayo sa mga bahay. So discretion na po ng LGU ‘yan kung gusto nila magkaroon ng suspension,” giit ni Go.
Inihalimbawa nito ang lungsod ng Marikina na nagdeklara ng isang buwang suspensyon dahil marami sa mga modules ang nabasa sa baha.
“Yung iba namang lugar na hindi tinamaan, baka hindi naman kailangan at masasayang lang ang school year kung magkaroon ng academic break so discretion na po ng LGU in their respective areas,” dagdag ng senador.
Kasabay nito, pinaalalahanan ni Go ang mga estudyante na nagsasagawa ng protesta para sa kanilang panawagan ng academic break na may limitasyon ang kanilang mga karapatan.
“Alam nyo mga estudyante karapatan nyo po, karapatan nyo pong magsalita, magreklamo pero wala po kayong karapatan na pabagsakin ang gobyerno na pinili ng tao. Respetuhin nyo muna ang ating gobyerno, ang ating administrasyon, hintayin nyo lang po matapos ang termino ng ating Pangulo sa 2022,” diin nito. (DANG SAMSON-GARCIA)
