CLICKBAIT ni JO BARLIZO
PAGDATING sa prinsipyo at delicadeza, parang magkaibang planeta ang Japan at Pilipinas at mas nakikita ito sa pulitika.
Palasak na ang kuwento ng harakiri o seppuku sa kasaysayan ng mga Hapon. Kapag nalagay sa kahihiyan ang isang lider, mas pipiliin pa niyang magbitiw o sa pinakamatinding anyo noon, wakasan ang sariling buhay kaysa yurakan ang dangal. Hindi dahil mahilig sila sa drama, kundi dahil malalim sa kanilang kultura ang pananagutan at hiya (shame culture). Sa kanila, ang pagkakamali ng lider ay pagkakamali ng buong grupo.
Sa Pilipinas? Ibang-iba ang eksena. Kahit lantaran na ang galit ng taumbayan, kahit kaliwa’t kanan ang alegasyon ng korupsyon, kahit halos isigaw na ng publiko ang “umalis ka na,” nandiyan pa rin sila. Kapit-tuko sa puwesto. Tuloy ang pang-uuto, tuloy ang pambubudol, at tuloy ang ngiting parang walang nangyari.
Isang malinaw na halimbawa nito ang nangyari sa Japan sa pagbibitiw ng noo’y Prime Minister Shigeru Ishiba. Naging punong ministro siya noong Oktubre 2024 at pinangunahan ang koalisyon ng Liberal Democratic Party (LDP) at Komeito. Ngunit sa ilalim ng kanyang pamumuno, unti-unting gumuho ang suporta ng publiko. Galit ang mga botante sa patuloy na pagtaas ng gastusin sa pamumuhay. Isyung ramdam sa bawat hapag-kainan.
Resulta: natalo ang kanyang koalisyon at nawala ang majority sa mababang kapulungan noong Oktubre 2024, at sinundan pa ito ng pagkawala ng majority sa mataas na kapulungan noong Hulyo 2025. Sa una, tinanggap ni Ishiba ang tinawag niyang “mabigat na resulta” ng eleksyon at sinikap pang manatili sa puwesto. Ngunit habang tumitindi ang bangayan sa loob ng partido at lumalala ang political uncertainty, ramdam na ramdam ng ekonomiya ang epekto—bumaba ang halaga ng yen, nagkaroon ng malawakang bentahan ng Japanese government bonds, at umakyat sa pinakamataas na antas ng taon ang yield ng 30-year bond.
Sa bandang huli, pinili ni Ishiba ang hakbang na bihirang makita sa Pilipinas: umatras para hindi na lumala ang pagkakahati-hati sa loob ng kanyang partido at hindi na madamay pa ang bansa. Walang drama. Walang pa-victim. Isang tahimik ngunit malinaw na mensahe na mas mahalaga ang katatagan ng bayan kaysa sariling posisyon.
Ihambing natin iyan sa Pilipinas. Mabigat na rin ang epekto ng bangayan sa pulitika sa ating ekonomiya. Mataas na presyo, alanganing tiwala ng investors, at walang katapusang away sa Kongreso. Pero may isang malaking kaibahan: walang gustong magbitiw. Lahat sila nangungunyapit. At ang mas masakit, pare-parehong nakatanaw sa halalan sa 2028. Para bang ang tanong ay hindi “Ano ang makabubuti sa bayan?” kundi “Paano ako mananalo sa susunod?”
Mula mababang kapulungan hanggang mataas na kapulungan ng Kongreso, maraming nasasangkot sa kontrobersyal na flood control program at iba pang proyekto ng gobyerno. Bilyon-bilyon ang halaga, pero kapag tinanong, iisa ang sagot: deny to the max. Wala raw silang alam. Wala raw silang kasalanan. Sabagay, sabi nga, ang magnanakaw, kahit mahuli nang hawak ang ninakaw ay matigas pa rin ang tanggi.
Dito lumilitaw ang pinakamalaking agwat ng Japan at Pilipinas: sa kanila, ang hiya ay sapat na dahilan para umatras; sa atin, ang kapal ng mukha ay tila kwalipikasyon para manatili. Habang sa Japan, ang pagbibitiw ay itinuturing na pananagutan, sa Pilipinas, madalas itong tingnan bilang kahinaan.
Hangga’t hindi nagbabago ang ganitong kultura—na ang puwesto ay premyo at hindi pananagutan—mananatili tayong bansa ng mga lider na walang balak umalis, kahit ayaw na sila ng taumbayan. At sa ganitong kalagayan, huwag na tayong magtaka kung bakit sa usapin ng delicadeza, lagi na lang tayong kulelat.
41
