DISIPLINA SA MILITAR SANDIGAN NG REPUBLIKA – GOITIA

BINIGYANG-DIIN ni Dr. Jose Antonio Goitia, chairman Emeritus ng Alyansa ng Bantay sa Kapayapaan at Demokrasya (ABKD), na ang disiplina ang nagsisilbing sandigan ng bansa kasunod ng kontrobersyal na pagbawi ng suporta ng isang aktibong opisyal ng militar sa administrasyong Marcos.

Ayon kay Goitia, ang ginawang hakbang ni Col. Audie A. Mongao, na nagpahayag ng pagbawi ng personal na suporta kay Pangulong Ferdinand Marcos Jr. noong Enero 9, ay hindi simpleng usapin ng malayang pagpapahayag kundi isang paglabag sa tungkulin at pananagutan ng isang naka-unipormeng lingkod-bayan.

“Sa isang demokrasya, karapatan ng mga sibilyan ang tumutol. Ngunit kapag ikaw ay naka-uniporme, mas makitid ang espasyong ginagalawan mo. Iyon ang presyo ng disiplina,” ani Goitia.

Matatandaang sinibak sa pwesto si Mongao bilang Commander ng Training Support Group matapos kumalat ang kanyang online post na nagpapahayag ng kawalan ng tiwala sa moral na awtoridad ng Pangulo bilang Commander-in-Chief.

Kinuwestiyon din ni Goitia ang timing ng pahayag ng opisyal, na lumabas dalawang araw lamang matapos ang mass oath-taking ng mga bagong heneral noong Enero 7 kung saan hindi kasama ang pangalan ni Mongao. Ayon sa ulat, dalawang beses nang “passed over” o hindi na-promote ang nasabing opisyal sa kabila ng 34 na taong serbisyo.

“Ang moral na kapangyarihan ay hindi inaangkin; ito ay ibinibigay ng batas at inaalagaan ng mga institusyon,” dagdag pa ni Goitia. Aniya, ang paglalagay ng personal na hinanakit bilang moral na pamantayan laban sa gobyerno ay nagpapahina sa balangkas ng Saligang Batas.

Samantala, kinumpirma ni Maj. Gen. Michael G. Logico, Commander ng Training Command (TRACOM), na sumuko na si Mongao at nasa ilalim na ng military control. Kasalukuyan itong sumasailalim sa imbestigasyon para sa posibleng paglabag sa Articles of War, kabilang ang Article 96 o Conduct Unbecoming an Officer and a Gentleman.

Pinuri naman ni Goitia ang propesyonalismo ng Armed Forces of the Philippines (AFP) sa pagpapanatili ng pagiging neutral at tapat sa Konstitusyon sa kabila ng ingay sa pulitika.

“Ang uniporme ay hindi entablado kundi isang pananagutan. Ang tibay ng ating demokrasya ay hindi nagmumula sa pagsuway, kundi sa disiplina,” pagtatapos ni Goitia.

Si Dr. Jose Antonio Goitia ay Chairman Emeritus ng Alyansa ng Bantay sa Kapayapaan at Demokrasya (ABKD), People’s Alliance for Democracy and Reforms (PADER), Liga Independencia Pilipinas (LIPI), at ng Filipinos Do Not Yield Movement (FDNY). Siya ay may titulong Juris Doctor (JD) at PhD, gayundin ang mga advanced degrees na MNSA, MPA, at MBA.

27

Related posts

Leave a Comment