SA gitna ng mga pagpuna sa sandamakmak na deputy speaker ay dinagdagan pa rin ito ni House Speaker Lord Allan Velasco.
Sa session ng Kamara ngayong gabi, pinanumpa bilang deputy speaker si Cavite Rep. Strike Revilla.
Dahil dito, umaabot na sa 29 ang deputy speaker mula 22 noong panahon ni dating House Speaker Alan Peter Cayetano.
Si Revilla ay kapatid ni Sen. Ramon “Bong” Revilla Jr., na pinuno ng Lakas-CMD at naging daan para makuha ni Velasco ang speakership kay Cayetano noong Oktubre 13, 2020.
Dahil dito, 7 ang deputy speaker na idinagdag ni Velasco na sinasabing ‘bayad-utang’ nya sa mga ito matapos suportahan ang kanyang speakership bid.
Sa kabuuan ay 13 na ang itinalagang deputy speaker ni Velasco mula nang maupo ito bilang speaker matapos sibakin ang apat sa loyal allies ni Cayetano sa nasabing posisyon.
Samantala, itinalaga naman bilang chairman ng House committee on housing ang urban development si Negros Occidental Rep. Francisco Benitez na dating pinamumunaun ni Revilla.
Pinangalanan naman bilang bagong chairman ng House committee on cooperatives development si Philreca party-list Rep. Rep. Presley de Jesus. Ang posisyon ay dating pinamumunuan ni Coop-Natcco party-list Rep. Sabiniano Canama na itinalaga naman bilang chairman ng Committee on East ASEAN Growth Area.
Ang committee on East ASEAN Growth Area ay dating hawak ng kapatid ni Sen. Manny Pacquiao na si Sarangani Rep. Ruel Pacquiao na kabilang sa mga bagong deputy speaker ni Velasco. (BERNARD TAGUINOD)
