‘DI PATAS NA BADYET PARA SA 2021 NABISTO

BADILLA NGAYON Ni NELSON BADILLA

 

NAGSIMULA nang himayin at busisiin ng Senado ang inaprubahan ng Kamara de Rereprentantes na panukalang P4.5 trilyong badyet ng ­administrasyong Duterte para sa 2021.

Batay sa proseso, kailangang dumaan sa Senado ang ipinasang panukalang batas ng Kamara, kabilang ang taunang badyet ng pambansang pamahalaan, bago ito maging ganap na batas.

Nang maagaw ni Marinduque Representative Lord Allan Jay Velasco kay Taguig – Pateros Rep. Alan Peter Cayetano ang pagi­ging speaker ng Kamara, tiniyak ni Velasco na walang pork barrel sa badyet.

Higit sa lahat, siniguro rin ni Speaker Velasco na “patas” ang alokasyon ng pondo para sa mga proyekto ng mga kongresista sa bawat distrito.

Ngunit, lumitaw na hindi naganap ang ‘tiniyak’ ni Velasco.

Pokaragat na ‘yan!

Nabisto ni Senador Panfilo Lacson ang ginawa ng liderato ng Kamara, sa pangunguna ni Velasco, na ‘di patas ang hatian ng badyet ng mga kongresista.

Nadiskubre at natumbok ni Lacson na bilyun-bilyon ang “disparity”, o diperensya, sa hatian.

Ayon sa senador, bilyun-­bilyon ang napunta sa mga distrito sa Davao City, Benguet, Albay at Abra na pawang ‘katropa’ ni Velasco ang mga kinatawan nito sa Kamara, samantalang umabot lang sa

milyun-milyon ang inilaan sa mga ‘di kabarkada ni Speaker Velasco.

Narito ang nakita ni Lacson: Ang isang distrito sa Lungsod ng Davao ay linagyan ng P15.351 ­bilyong badyet para sa imprastraktura, P7.5 bilyon sa Albay, P7.9 bilyon sa Benguet at P3.75 bilyon naman sa Abra.

Nakita n’yang higit tatlong ­bilyong hanggang mahigit labinglimang bilyon ang nakahanda sa mga distrito ng tropa ni Velasco.

Hindi ako magtatakang i­sinalarawan ni Lacson na “unfair” ang hatian.

Napansin ni Lacson na ang mga pangalan ng ‘pinagpalang mga kongresista’ ay ang anak ni Pangulong Rodrigo Duterte na si Davao 1st District Rep. Paolo Duterte, Albay 2nd District Rep. Joey Salceda, Abra Rep. Joseph Bernos at iba pa.

Mayroon namang mga mambabatas na umabot lamang sa P42 milyon ang inilaan para sa kanilang mga proyekto, ngunit hindi na binanggit ni Lacson sa media ang kanilang pangalan.

Ibinunyag ng senador ang nadiskubre niya sa inaprubahang panukalang P4.5 trilyong badyet dahil ang punto lamang ni Lacson ay ganito: “This is just to point out the disparity in the distribution of the budget. ‘Yun ang honor roll. Horror roll… I just want to point that out, bakit ganun ang ­disparity? What’s in those districts that would merit those ­appropriations?”.

Ayon sa senador, kahit napakakalaki ng pondo ng mga pinagpalang kongresista, duda siyang maipatutupad ng mga nasabing mambabatas ang mga proyektong bilyun-bilyon ang inilaang badyet sa kani-kanilang proyektong pang-imprastraktura.

“The absorptive capacity. Kasi kung sa isang district ‘yan babagsak, I cannot see how that particular engineering district could implement P15.351 billion of infrastructure projects,” paliwanag ni Lacson.

Hindi rin nakaligtas sa mga mata ni Senate President Vicente “Tito” Sotto III ang ‘di patas na ­paghahati ng pamunan ng Kamara sa badyet ng mga ­kongresista.

Ayon kay Sotto: “Usually kasi, sa pinagdaanan kong mga ­budget, ‘yung mga district, ‘di masyadong nagkakalayo ang amount ng ­funding nila, especially sa DPWH. Bago sa akin ito, na mayroong ilang district na saksakan nang lalaki ang amount [ng alokasyon sa kanilang mga distrito]”.

Nakagugulat ang ginawa ng pangkat ni Speaker Velasco sa badyet, samantalang ang ‘di patas na hatian sa mga distrito ang naging unang isyung ibinato ng kampo ni Velasco noon laban sa liderato ni Cayetano.

Sina Negros Oriental Rep. Arnulfo Teves, 1 Pacman party-list Rep, Mikee Romero at Oriental Mindoro Rep. Doy Leachon ang mga nagalit at nagreklamo noon sa pamuan ng Kamara na hindi patas ang alokasyon ng badyet sa mga proyektong pang-imprastraktura ng mga kongresistang kabilang sa pangkat ni Velasco.

Sa reklamong ito nakasuksok ang plano ni Velasco na makuha ang trono ng Kamara mula kay Cayetano batay sa kanilang kasunduang term-sharing noong Hulyo 2019.

Malalaman natin sa susunod na mga araw mula kina Lacson, Sotto at iba pang senador kung paano kinamada ng pamunuan ng Kamara sa liderato ni Speaker Velasco ang hinihingi ni Pangulong Rodrigo Duterte na P4.5 trilyong badyet para sa susunod na taon.

Magandang isyu ito na dapat nating subaybayan.

175

Related posts

Leave a Comment