WALA talagang pagbabagong magaganap sa Pilipinas kahit kailan.
Kahit ngayong panahon ni Pangulong Rodrigo Duterte ay walang pagbabagong naganap sa pagpapatupad ng mga batas simula noong Hunyo 30,2016 hanggang sa araw na ito.
Ngunit, walang tigil ang paggawa ng mga batas (Republic Act, Executive Order at iba pa.
Kahit ngayong nahaharap ang bansa sa matinding krisis dulot ng coronavirus disease – 2019 (COVID–19) ay iba ang interpretasyon at pagpapatupad sa ating mga batas sa pagitan ng mga mambabatas o mga milyonaryo at pangkaraniwang mamamayan o mahihirap na mga tao.
Tingnan n’yo. Sa ulat ng Philippine National Police (PNP) ay umabot na sa 42,862 ang hinuli ng mga iba’t ibang yunit ng pambansang pulisya sa iba’t iba ring bahagi ng bansa dahil sa paglabag sa curfew hours mula Marso 17 hanggang Marso 27.
Mula sa nabanggit na bilang, umabot sa 12,904 diyan ang nasakote sa National Capital Region (NCR).
Ang krimeng nagawa ng 42,862 ay nanatili sila sa lansangan simula alas-otso ng gabi hanggang alas-singko ng umaga.
Sa oras na ito, bawal lumabas ng bahay ang sinumang mamamayang Filipino, maliban na lamang sa mga pulis, sundalo at mga tanod ng mga pamahalaang barangay na nakaduty upang ipatupad ang batas o ordinansa hinggil sa curfew sa panahong ipinatutupad ang ‘enhanced community quarantine’ (ECQ) o ‘lockdown’ sa Luzon.
Ayon sa PNP, marami ring nahuling “curfew violators” sa Visayas at Mindanao, sapagkat marami na ring lalawigan dito ang nagpatupad ng ‘community quarantine’ (CQ).
Okey. Hinahangaan at pinapalakpakan ko ang PNP sa mahigpit na pagpapatupad ng batas tungkol sa curfew.
Ngunit, kahit isang milyonaryo ay walang dinakip ang PNP.
Ito’y dahil ba sa marunong sumunod sa batas at utos ng pamahalaan ang mga milyonaryo, kaya walang nasakote sa kanilang hanay?
Si Pimentel ay milyonaryo, actually multimillionaire, sapagkat ang yaman niya ay umabot sa P29,934,635 hanggang noong Hunyo 30, 2019.
Ang multimillionaire na si Senador Aquilino Pimentel III ay nagtungo sa Makati Medical Center (MMC) noong Marso 24 sa ganap na alas-sais o alas-siyete ng gabi (ayon sa ulat sa media) kung saan sinamahan ang asawa niyang manganganak kinabukasan.
Makalipas ang dalawang oras, umalis si Pimentel sa MMC dahil ipinarating sa kanya ng Research Institute for Tropical Medicine (RITM) na positibo siya sa COVID–19.
Si Pimentel ay nagpatingin noong Marso 20 upang malaman kung siya ay positibo o hindi sa COVID–19.
Simula sa araw na ‘yan ay dapat nanatili na ang senador sa kanilang bahay upang ipatupad ang 14-araw na kwarantin sa sarili at hindi dapat siya lumalapit sa mga kasama sa bahay, kabilang na sa
kanyang asawa na buntis, alinsunod sa itinakda ng Department of Health (DOH).
Dahil sa ginawa ni Pimentel ay todo-todong binatikos siya ng pamunuan ng MMC, sapagkat nilabag ng mambabatas ang COVID–19 quarantine protocol.
Lumabas si Pimentel ng MMC, ngunit hindi siya hinuli ng mga tauhan ng PNP – Makati, dahil nilabag na niya ang batas-curfew.
Batas-curfew pa lang pinag-uusapan natin.
Hindi pa kasama ang posibleng mga kasong kriminal, sibil at administratibo na isasampa ng kampo ni Atty. Rico Quicho laban kay Pimentel dahil sa posibleng paglabag sa Republic Act No. 11332 o “Mandatory Reporting of Notifiable Diseases and Health Events of Public Concern Act” at COVID–19 protocol.”
367 