CAVITE – Hinihinalang nagbaril sa sarili ang isang lalaki na natagpuang wala nang buhay ng kanyang ina sa kanilang bahay sa Trece Martires City noong Huwebes ng gabi.
Kinilala ang biktimang si alyas “Marlon” ng Purok 4, Brgy. Osorio, Trece Martires City.
Ayon sa salaysay ng ina, bandang alas-9:30 ng gabi nang dumating siya sa kanilang bahay nang madiskubre niya ang kanyang anak habang nakahiga sa kama, may dugo sa ulo at wala nang buhay.
Sa salaysay ng ilang kapitbahay ng biktima, nakarinig sila ng putok ng baril mula sa bahay ng mag-ina.
Sinabi ng ina ng biktima na ang kanyang anak ay dumaranas ng ilang karamdaman at may diabetes na hinihinalang dahilan ng pagpapakamatay nito.
Inaalam din ng mga awtoridad kung kanino ang baril na ginamit ng biktima sa pagpapakamatay.
(SIGFRED ADSUARA)
