CHINESE NAVY WARSHIP LUMAPIT SA PANATA ISLAND

ISANG barko de giyera ng People’s Republic of China na dumikit sa Panata Island na sakop ng Pilipinas sa bahagi ng West Philippine Sea, ang binantayan ng Philippine Navy (PH NAVY) nitong Biyernes ng umaga.

Batay sa mga ulat, namataan ng PH Navy ang Ma’anshan Jiangkai II-class frigate ng People’s Liberation Army (PLA)-Navy na mayroong bow no. 525 sa karagatan ng WPS, habang nagsasagawa ng pagpapatrolya ang PH Navy sa bahaging ito ng WPS.

Tinatayang nasa layong 4.6 nautical miles ang distansya nito mula sa BRP Andres Bonifacio na siyang gamit ng PH Navy sa kanilang maritime patrols, nang mamataan ito bandang alas-7:40 ng umaga nitong Biyernes.

Ayon kay Armed Forces of the Philippines (AFP) Public Affairs Office (PAO) chief, Col. Xerxes Trinidad, umabot sa tatlong beses ang ibinigay na warning signal sa naturang warship sa pamamagitan ng isang radio challenge na pagpapakita aniya ng matibay na paninindigan ng kanilang hanay na protektahan ang soberanya at ang exclusive economic zone (EEZ) ng bansa.

Sinasabing nag-isyu ng radio challenge ang Hukbong Dagat ng Pilipinas sa Chinese warship; subalit umabot muna ng 13 minuto bago tumugon ang Chinese intruder.

Ang AFP ay nagsagawa ng three-day “symbolic” maritime patrol sa mga islang okupado ng Pilipinas sa Kalayaan Island Group simula noong Martes.

Sa kasalukuyan, patuloy na minamatyagan ng AFP ang naturang warship habang patuloy na nagsasagawa ng maritime patrols sa Kalayaan Group of Islands.

(JESSE KABEL RUIZ)

59

Related posts

Leave a Comment