Dike nagiba sa high tide BARANGAY SA OBANDO, VALENZUELA BINAHA

LUMUBOG mula sa isa hanggang apat na talampakang tubig baha ang ilang barangay sa bayan ng Obando sa Bulacan, at sa Lungsod ng Valenzuela matapos masira ang floodgate at dike na pumipigil sa tubig na nagmumula sa Manila Bay.

Personal na nakipag-ugnayan si Mayor-elect Ding Valeda ng Obando, Bulacan kina Bulacan Governor Daniel Fernando, Valenzuela City Mayor Rex Gatchalian at incoming Mayor Wes Gatchalian gayundin sa tanggapan ng Second Bulacan District Engineers Office ng Department of Public Works and Highways (DPWH), upang mabigyan ng agarang solusyon ang idinulot na pagbaha sa nasabing bayan at lungsod.

Ayon kay Valeda, nasira ng malakas na pressure ng high tide ang Lawa Floodgate gayundin ang bahagi ng dike sa Barangay Tawiran at Paco kung saan lumikha ng flashflood sa nasabing mga lugar na nagdulot ng pagbaha mula sa isa hanggang apat na talampakan.

“Sinira ng malakas na pressure ng high tide ‘yun pundasyon sa ilalim kaya bumitin mismo ‘yung rubble concrete revetment hanggang sa tuluyan nang bumigay,” ayon kay Valeda.

Ayon naman kay Jhong Zuniga, residente ng Barangay Paco, halos mag-iisang buwan nang unang masira ang dike sa bahagi ng Barangay Lawa ngunit ito ay pansamantala lamang niremedyuhan at hindi full renovation kung kaya nito lamang nakaraang Martes ay tuluyan nang nasira kasabay ng iba pang mga dike.

“Salamat po kay incoming Mayor Valeda at hindi pa man nauupo ay umaksyon agad, sana ay maayos sa lalong madaling panahon dahil apektado at malaking perwisyo sa pang-araw-araw naming kabuhayan,” wika ni Zuniga.

Nabatid na mula nang ginawa ang dike, halos 8 taon nang hindi binabaha ang bayan ng Obando kaya naman laking gulat ng mga residente rito nang biglang isang umaga ay nagkaroon ng tubig baha na umabot pa ng 4 na talampakan partikular na sa mga lugar na mababa.

Agad inatasan ni Gob. Fernando ang Provincial Engineering Office sa pangunguna ni Provincial Engineer Glenn Reyes, para magpadala ng mga materyales tulad ng sheet piles at sand bags na magagamit upang makumpuni pansamantala ang nasirang istruktura.

Nitong Biyernes ay personal ding binisita ni Valeda at mga kawani ng lokal na pamahalaan ng Obando at pamahalaang lungsod ng Valenzuela, ang bahagi ng nasirang dike sa Barangay Lawa kung saan ikinabit ang mga sheet pile para mapigil ang tubig galing Manila Bay.

Nag-donate din ang Valenzuela City government ng pamalit na floodgate na kayang itayo sa loob lamang ng isang araw subalit kailangan munang dumaan sa proseso ng city council. (ELOISA SILVERIO)

308

Related posts

Leave a Comment