NAWALAN ng hanapbuhay ang daan-daang manggagawa sa apat na steel at metal manufacturing company sa bansa matapos ang serye ng raid ng pinagsanib na pwersa ng Department of National Defense (DND), Presidential Anti-Organized Crime Commission (PAOCC), at National Bureau of Investigation (NBI) sa mga pasilidad na pinaghihinalaang lumalabag sa nuclear safety at consumer protection laws.
Bukod sa mga manggagawa, naapektuhan din umano ang ekonomiya ng mga bayan at lungsod na kinaroroonan ng mga planta dahil sa paghinto ng operasyon ng mga ito.
Sa isang steel plant sa Barangay Ilang, Bunawan, Davao City, mahigit 300 manggagawa ang naapektuhan matapos isara ng mga awtoridad ang pasilidad noong Agosto 13.
Sa Tagoloan, Misamis Oriental, nasa 300 hanggang 316 manggagawa naman ang naapektuhan matapos ang raid noong Mayo, habang 347 Pilipino at 37 Chinese nationals ang nawalan ng trabaho sa isang planta sa Magalang, Pampanga, na sinalakay noong Hulyo 18.
Samantala, walang naitalang manggagawang inalis o dinetine sa Keim Hing Steel Corporation sa Villanueva, Misamis Oriental dahil inspeksyon lamang ng local government unit ang isinagawa rito at hindi raid.
Sa mga operasyon, ginamit ng mga ahensya ng pamahalaan ang salitang “rescue” upang ilarawan ang pag-alis sa mga manggagawa sa mga pasilidad. Ngunit para sa mga apektadong empleyado at labor groups, nagresulta ito sa agarang pagkawala ng kanilang kabuhayan.
Ayon kay Davao City First District Councilor Pamela Librado-Morata sa kanyang privilege speech sa City Council noong Agosto 18, mahigit 200 manggagawa ng Davao Steel Corporation ang nagtungo sa Davao City Hall noong Agosto 17 upang humingi ng tulong. Karamihan umano sa kanila ay tatlo hanggang 10 taon nang nagtatrabaho sa kumpanya.
“Kung tunay ngang rescue operation ito, nasaan ang rescue para sa mga manggagawang ngayon ay nahaharap sa kawalan ng trabaho?” tanong ng Kilusang Mayo Uno-Southern Mindanao Region (KMU-SMR).
Ayon naman kay Teresita Hadman, Northern Mindanao coordinator ng National Federation of Labor Unions-KMU, ilang empleyado ng Sanjia ang naghain na ng reklamo sa National Labor Relations Commission (NLRC) para sa back pay at iba pang benepisyo.
Naghain din umano ng reklamo sa NLRC sa San Fernando City ang mga manggagawa ng Chuangxing Steel.
Hindi lamang pagkawala ng trabaho ang epekto ng pagsasara ng mga planta dahil naapektuhan din ang mga lokal na junk shop at iba pang negosyong umaasa sa scrap-metal industry.
Batay sa isang ulat pang-ekonomiya tungkol sa mga apektadong scrap-metal purchasing network, isang junk shop ay karaniwang bumibili ng 20 hanggang 30 toneladang scrap metal kada linggo mula sa tinatayang 1,000 hanggang 1,500 indibidwal na kolektor.
Dahil sa mababang halaga ng scrap metal at mataas na gastos sa transportasyon patungo sa malalayong buyer, ang biglaang paghinto ng operasyon ng malalaking steel plant ay nagpahina sa lokal na bentahan at nakaapekto sa mga tsuper, maliliit na recycler at iba pang mangangalakal.
Samantala, sinabi ni National Bureau of Investigation (NBI) Director Melvin Matibag sa isang press conference noong Agosto 25 na humigit-kumulang 20 pang steel plant sa buong bansa ang sinusuri at mino-monitor ng ahensya dahil sa posibleng paglabag sa product at workplace safety standards.
Una nang kinondena ng mga labor group ang crackdown, na anila’y hindi sapat ang pagkonsidera sa magiging epekto ng biglaang pagsasara ng mga planta sa mga manggagawang mawawalan ng trabaho at kabuhayan.
(TINA MENDOZA)
53 