WALANG masamang kumilos ang sinomang opisyal, ngunit nakagugulat naman itong si Undersecretary Epimaco Densing III ng Department of the Interior and Local Government (DILG) dahil biglang lumabas sa kanyang lungga mula sa kanyang opisina at bumanat laban sa mga alkalde.
Nangangampanya na itong si Densing sa pagkasenador, o pagkaalkalde ng Lungsod ng Parañaque?
Bilang Undersecretary for operations, sa loob lamang ng DILG dapat nakikialam itong si Usec. Densing III, ngunit sinasagasaan na nito ang mga kasamahan lalo na ang Usec for local government.
Pakikialam at pambabastos na ‘yan Ginoong Wannabe Senador.
Surpresang umalingawngaw ang panggagalaiti ni Densing sa mga napaulat na mga lokal na opisyal na nauna pang magpabakuna kaysa sa mga healthcare workers na front liners sa pakikipaglaban sa COVID-19.
Show cause order agad ang bitaw ni Densing sa mga mayors at iba pang local officials, gaya ng nangyari sa aktor na si Mark Anthony Fernandez sa Parañaque City.
Dapat daw sinusunod ng mga mayors ang priority list na itinakda ng Department of Health (DOH) bago inuna ang kanilang mga sarili at mga taong malalapit sa kanila.
Kasama sa pinapanagot ni Densing sa order na kanya na ring nai-summon ay si Parañaque Mayor Edwin Olivares upang harapin ang posibleng administrative case na ipapataw sa punong lungsod.
Dahil ito raw ang pumayag para mabakunahan si Fernandez at dalawa pang residente na wala sa priority list.
Command responsibility ang punto ng DILG official.
Sa kabila nito, naglabas ng pahayag ang Paranaque City Health Office na wala silang nilabag nang bakunahan nila si Fernandez.
Lalung-lalo na raw si Mayor Olivares na di naman nagpabakuna.
Ayon kay Dr. Olga Virtucio, City Health Officer, natapos nilang bakunahan ang lahat ng kanilang healthcare workers na nagparehistro para magpabakuna at sinimulan ang mga kasunod sa listahan na mga senior citizen, mga mayroong comorbidity at mga persons with disabilties (PWD).
Paliwanag pa ni Dr. Virtucio, kabilang ang aktor sa mga mayroong comorbidity dahil dumaan ito sa mga pagsusuri bago naaprubahan at maisama sa mga nasa quick substitution list (QSL) na iniatas din ng DOH. Nabakunahan daw ang aktor dahil na rin mayroong hindi nakapasa sa kanilang final list. Nakahanda rin daw silang humarap sa DILG kung kinakailangan ang kanilang paliwanag.
Iba naman ang aking paliwanag dito.
Si Densing ay ang nakalaban at tinalo ni Mayor Olivares sa pagka-congressman ng Parañaque City noong 2010 elections.
Ginamit ng epal na DILG official na platform lamang si Fernandez upang sirain si Mayor Olivares na di naman nagpabakuna.
Gayun pa man ang aktor na mismo ang nagsabi sa mga interview na kasama siya sa mga kasunod sa listahan.
Hindi ba pamumulitika na ‘yan Usec. Densing para sa darating na halalan?
Masyado namang halata mga galaw mo.
Kahit nga sa iba pang mayor na idinadawit ni Usec. ay mukhang di rin tatayo ang asuntong administrative charges na sinasabi nito.
Kitang-kita na umeepal lang ang opisyal.
Ang sagot lamang ni Mayor Noel Rosal ng Legazpi City sa Bicol ay mismong babasag na, sa pang-eepal ni Usec. Densing.
Sabi ng alkalde, ang kanyang pangalan ay kasali pagkatapos ng listahan ng kanilang mga healthcare workers at kinumpirma pa ito ng DOH
Director na nandun sa kanilang lugar, kaya siya ay nagpabakuna matapos ang mga healthcare workers.
Kaya, ano nga naman ang sama nu’n?
Nagbunga pa nga raw ito ng 89 porsiyento ng kanilang mga residente ang biglang nagsipayag na mabakunahan nang malaman ng mga ito na siya ay nagpabakuna na.
Ganun din si Tacloban City Mayor Alfred Romualdez at iba pang mayor sa kabisayaan na pinapanagot ni Densing, lahat sila iisa ang dahilan.
Hindi para sila ay mauna kaysa sa kanilang mga healthcare workers o mga nasasakupan, kundi maipakita sa mga tao na makakabuti ang pagpapabakuna dahil proteksiyon ito lalung lalo na ng mga may edad na, gaya rin nila.
‘Di ba makabuluhan naman ang kanilang mga dahilan.
Huwag na kasing umepal at gamitin pa ang programa ng pamahalaan sa pagbabakuna para lamang sa pangsariling agenda.
Nagkakaintindihan ba tayo Usec. Densing?!
196
