DILG sa LGUs: Bagyong Uwan paghandaan TINO DEATH TOLL 188, MISSING 135 – OCD

HABANG binabantayan ang pagpasok ng Tropical Storm Uwan, patuloy namang lomolobo ang bilang ng iniwang patay ng Bagyong Tino (International name: Kalmaegi) na umakyat na sa 188, habang 135 na iba pa ang iniulat na nawawala at 96 naman ang sugatan, ayon kay Office of Civil Defense (OCD) deputy spokesperson Diego Mariano nitong Biyernes ng umaga.

Sa nasabing 188 death toll, ang 135 ay nagmula sa lalawigan ng Cebu; 24 mula sa Negros Occidental, siyam sa Negros Oriental, anim sa Agusan Del Sur, tatlo sa Capiz, dalawa naman sa Southern Leyte, at tig-isa sa Leyte, Antique, Iloilo, Guimaras at Bohol.

Bagama’t kasalukuyan pang bina-validate ang bilang ng mga nasawi, sinasabing karamihan sa mga ito ay dahil sa pagkalunod at mga nabagsakan ng debris, ayon sa datos ng National Disaster Risk Reduction and Management Council (NDRRMC) na inilabas ng OCD.

Samantala, patuloy ang search, rescue and retrieval operation para sa 135 katao na reported missing, ayon sa OCD, na karamihan ay mula sa Cebu, Negros Occidental at Negros Oriental.

“Yung tatlong probinsiya na ito, grabe ang flooding incidents na nangyari sa mga highly urbanized areas,” sabi pa ni Raffy Alejandro IV, OCD Deputy Administrator for Administration.

Dahil ngayon pa lamang nagdatingan ang mga ulat ay inaasahang lalaki pa ang bilang ng casualties kabilang ang 96 reportedly injured.

Nilinaw ni Mariano, ang inilabas nilang datos ay base sa report ng NDRRMC at lahat ng figure ay pakay ng validation na posibleng magbago pa.

Nagbaba naman ng direktiba ang Department of the Interior Tropical and Local Government sa LGUs na huwang ng hintayin pa na lumala ang sitwasyon bago kumilos kaugnay sa Tropical storm Fung-wong na tatawaging Typhoon Uwan, na papasok sa Philippine Area of responsibility ngayong Sabado ng umaga.

Base sa 5 a.m. weather bulletin, inihayag ng Philippine Atmospheric, Geophysical and Astronomical Services Administration, ganap nang isang Tropical Storm si Fung-wong bandang alas-2:00 ng madaling araw.

Inatasan ng DILG ang local government units (LGUs) na magsagawa ng mandatory evacuation ng kanilang mga residente na nasa high risk areas bukas, araw ng Linggo, bago pa mag-landfall ang severe tropical storm Fung-Wong o Typhoon Uwan.

Huwag nang hintayin pang lumala ang weather condition bago kumilos at ilikas ang mga residente mula sa flood at landslides prone areas

Nagbabala ang PAGASA na maaaring mabilis itong lumakas bilang bagyo sa loob ng 24-oras at posibleng umabot sa lakas ng super typhoon pagsapit ng Sabado ng gabi o Linggo ng umaga, at maaaring tumama sa Hilaga o Gitnang Luzon sa peak intensity nito sa Lunes.

“Maaaring i-raise ang Tropical Cyclone Wind Signals sa silangang bahagi ng Luzon at Samar mula Biyernes ng hapon o Sabado ng umaga, kung saan ang Signal No. 5 ang pinakamataas na alert level sa kasalukuyang forecast,” ayon sa PAGASA.

Pinapayuhan ang publiko na subaybayan ang opisyal na update at maghanda sa posibleng malalakas na kondisyon ng panahon.

(JESSE RUIZ)

69

Related posts

Leave a Comment