ISA ang nasawi habang 19 ang sugatan matapos mawalan ng preno ang isang pampasaherong bus at mahulog sa bangin sa bahagi ng diversion road sa Brgy. Villa Arcaya, Gumaca, Quezon, nitong Miyerkoles ng gabi, Nobyembre 6.
Batay sa ulat ng Gumaca Municipal Police Station, pasado alas-9:00 ng gabi nang mawalan ng kontrol ang Bobis Liner bus habang binabagtas ang pababang bahagi ng kalsada patungong Maynila.
Tumilapon ang bus sa may 20-talampakang bangin matapos masagasaan ang dalawang menor de edad na naglalakad lamang sa gilid ng kalsada.
Kinilala ang nasawi na si Joshua Verdan Lopez, 17 anyos, residente ng Brgy. Inagbuhan Ilaya, Gumaca, na nasawi noon din sa insidente. Sugatan naman ang pinsan niyang si Ivan Javinez Lopez, 16 anyos, na kasalukuyang ginagamot sa ospital.
Kabilang din sa mga nasugatan ang 18 pasahero ng bus. Lumalabas sa inisyal na imbestigasyon na 29 katao ang sakay ng naturang sasakyan, kabilang ang dalawang driver at isang konduktor.
Kinilala ang driver na si Arnel Brotamonte, 44 anyos, residente ng Tabaco, Albay, na nagtamo rin ng mga sugat.
Agad na rumesponde ang Bureau of Fire Protection (BFP)-Gumaca, KALASAG Rescue Team, at Municipal Disaster Risk Reduction and Management Office (MDRRMO) upang maisugod ang mga biktima sa Gumaca District Hospital.
Patuloy pa ang imbestigasyon ng pulisya upang matukoy ang eksaktong dahilan ng pagkasira ng preno at kung may pananagutan ang bus company sa insidente.
(NILOU DEL CARMEN)
94
