DIPLOMASYA SA USAPIN NG WPS

AT YOUR SERVICE ni KA FRANCIS

SA aking pananaw, mas makabubuti sa ating bansa na maging kaibigan natin ang China dahil kapitbahay natin sila.

Bukod sa kapitbahay natin sila ay isa ring maituturing na malaking business partner ng Pilipinas ang China dahil sa rami ng kanilang mga produkto na pumapasok sa ating bansa.

Hindi rin madamot ang China sa Pilipinas, sa katunayan kamakailan lamang ay pinasinayaan ni Pangulong Bongbong Marcos, Jr., ang Bukana Bridge sa Davao City na ibinigay lamang at walang babayaran ang gobyerno ng Pilipinas sa China.

Minsan, mas mahalaga pa ang kapitbahay kaysa kamag-anak pagdating sa panahon ng emergency dahil sila ang maaari nating hingian ng tulong anomang oras kung kinakailangan. Paano tayo matutulungan ng ating kamag-anak pagdating ng emergency kung malayo naman sila?

Mas magandang kaibigan ang lahat ng bansa kaysa maging kaaway natin ang ating kapitbahay na hindi basta kapitbahay lang, mas mayaman pa sila at malaking pamilya ang China kaysa Pilipinas. ‘Wag natin buhusan ng gasolina ang dati nang hindi pagkakaunawaan ng China at Pilipinas sa usapin ng West Philippine Sea (WPS), maging maingat tayo ng mga sasabihin para sa kapakanan ng mahigit isang daang milyong Pilipino.

Samantala, hiniling ni Senate Committee on Foreign Relations Chairman Erwin Tulfo sa kanyang mga kasamahang mambabatas na pabilisin ang pagpasa ng Senate Bill No. 1625, o ang “West Philippine Sea (WPS) Education Act.” Layunin ng panukalang ito na gawing bahagi ng kurikulum sa basic at higher education ang pag-aaral tungkol sa mga teritoryong pandagat ng bansa.

“Bagama’t ito ay isang kritikal na usapin sa soberanya ng Pilipinas, tila marami pa ring mga Pilipino ang walang sapat na kaalaman tungkol sa West Philippine Sea at iba pang teritoryo ng bansa.

Kaya naman dapat talaga natin itong isama sa ating education system,” diin ni Tulfo.

Sa ilalim ng panukala ni Tulfo, isasama sa mga syllabi ng basic at higher education ang mga materyales sa pag-aaral na angkop sa edad ng mga mag-aaral.

Kabilang sa mga materyales na ito ang internationally recognized facts, mga desisyon ng Korte Suprema, at mga kaugnay na batas tungkol sa WPS.

Ang pagbuo ng mga materyales at pagsasanay ay magiging kolaborasyon ng Department of Education (DepEd), Commission on Higher Education (CHED), National Mapping and Resource Information Authority (NAMRIA), National Security Council (NSC), Department of Foreign Affairs (DFA), at iba pang kaugnay na ahensya ng gobyerno.

Hinihikayat din ng panukalang batas ang State Universities and Colleges (SUCs) na dagdagan ang mga pananaliksik at pag-aaral tungkol sa maritime security and governance, coastal communities, at iba pa.

oOo

Samantala, binabati natin ang bagong talagang si PCpt. Joan Dorado ng Valenzuela Station 7, sakop niya ang Bignay, Punturin at Lawang Bato. Bagama’t bago pa lamang siya ay marami na siyang accomplishments sa kanyang trabaho.

Siyempre, hindi natin maaaring makalimutan si Patrolman RG Gatmaitan na dating aid ni dating Northern Police District Director BGen. Jerry Protacio, sa mabilis nitong aksyon sa tawag ng kanyang tungkulin.

oOo

Para sa inyong katanungan, maaari po kayong mag-text sa cell# 0917-861-0106.

 

36

Related posts

Leave a Comment