(NI BERNARD TAGUINOD)
ITINUTULAK sa Mababang Kapulungan ng Kongreso na bigyan din ng discount ang mga public at private school teachers sa pamasahe sa lahat ng uri ng pampublikong sasakyan.
Ayon kay Biñan City Rep. Marlyn “Len” B. Alonte-Naguiat, kung mayroon aniyang 20% discount ang mga estudyante sa pamasahe ay nararapat din umanong magkaroon din nito ang lahat ng mga guro.
“Iyong 20 percent fare discount ng mga estudyante, ganoon din dapat para sa mga teacher. Teachers have long held special respect status in our society. It is time that respect is made manifest in the form of public transport fare discount,” ani Alonte-Naguiat.
Kung maipatupad ang panukala ng mambabatas ay magkakaroon ang mga public at private school teachers ng discount sa pasahe sa mga pampasaherong bus, tren, taxi, jeepney, barko, eroplano at maging sa mga Transport Network Companies tulad ng Grab.
Layon umano ng panukala ni Alonte-Naguiat na mabigyan ng insentibo ang lahat ng mga public at private school teachers dahil sa sakripisyo ng mga ito para hubugin ang mga bagong henerasyon.
“Kung maisasabatas natin ang fare discount para sa mga guro, para na rin nating tinaasan ang kanilang sahod kahit papaano, dahil ang matitipid nila sa pamasahe ay perang mailalaan nila sa iba pa nilang pangangailangan. Isa pa, sa Teachers’ Fare Discount, parehong public and private school teachers ang makikinabang,” ayon pa sa mamabatas.
Naniniwala ang lady solon na sa dami aniya ng mga pasahero ng mga nabanggit na pampasaherong sasakyan ay hindi nila mararamdaman ang ibibigay na discount sa mga public at private school teachers.
“Ituring na nilang pasasalamat sa teachers ang discount na 20 percent,” dagdag pa ni Alonte.
