MAYROON nang binuong plano ang Department of Health (DoH) para sa distribusyon ng COVID-19 vaccine sa oras na matapos ang clinical trials na isinasagawa ng ilang bansa dito.
Sinabi ni Presidential spokesperson Harry Roque, nakahanda na ang mga prosesong kailangang sundin upang maging maayos ang pamamahagi kapag nagkaroon na talaga ng gamot laban sa COVID-19.
Aniya, maging ang distribusyon ng iba’t ibang vaccine na kinakailangan din ng mamamayan ay may mga sinusunod na guidelines o progama.
Samantala, hindi na pinoproblema ng pamahalaan ang pondo na gagamitin sa pagbili ng anomang madidiskubreng gamot kontra COVID-19.
Ani Sec. Roque, hindi na mahalaga kung magkano ang halaga ng matutuklasang vaccine dahil tiyak naman aniyang pagsisikapan ng gobyerno na mapaglaanan ito ng kinakailangang budget.
Samantala, niniwala si Sec. Roque na dahil sa independent foreign policy na ipinatutupad ng pamahalaan kaya’t maganda ang relasyon ng Pilipinas sa lahat ng mga bansa, tulad ng China, Russia, Amerika At Europa.
Bilang mga kaibigang bansa, umaasa aniya ang pamahalaan na kabilang ang Pilipinas sa kanilang mga prayoridad sakaling may ma-develop na silang COVID-19 vaccine. (CHRISTIAN DALE)
178 