BALIK aksyon ang Gilas Pilipinas girls, na ang misyon ay umakyat sa Division A sa FIBA U18 Women’s Asian Championship sa Bangalore, India simula ngayong Lunes.
Matapos dumausdos pababa sa kategoryang U16, sisimulan ng Pinay cagebelles umalpas sa Division B sa pagsagupa sa mga kasama sa Group A na Thailand, Samoa at Maldives. Nasa Group B ang Mongolia, Hong Kong, Jordan at Malaysia.
Thailand ang unang susubok sa Gilas girls ngayon (Setyembre 5) na susundan ng Samoa at Maldives sa Martes at Miyerkoles. Magtatapos ang group phase para sa Asian teams hanggang Sept. 11.
Hindi biro ang pagdaraanan ng tropa ni head coach at national women’s program director Pat Aquino dahil kailangang tumapos ang Gilas girls na no. 1 sa group stage upang makakuha ng outright seat sa semifinals.
Kung mabibigo, sasabak sila sa qualification phase para makapasok sa Final Four.
Tanging ang winner sa Division B ang mapo-promote sa Division A, kung saan kasama ang Australia, Japan, China, South Korea, New Zealand, Chinese Taipei, India at Indonesia.
Nakatuon ang Gilas girls na maiangat pa ang laro matapos magkasya sa bronze medal lang sa U16 Division B noong nakaraang buwan.
Muling sasandalan ng Gilas girls sina Kristan Yumul, Camille Nolasco at BJ Villarin, kasama ang senior teammates sa pangunguna ni UC San Diego-commit Sumayah Sugapong. (ANN ENCARNACION)
