SA ikalawang pagkakataon, inaprubahan sa House committee on population and family relations ang panukalang magkaroon ng ‘absolute divorce” sa Pilipinas mula nang unang isampa ito noong 2005.
Walang tumutol nang isalang sa botohan sa nasabing komite ang substitute bill na binuo ng Technical Working Group (TWG) na pinamumunuan ni Albay Rep. Edcel C. Lagman.
Kabilang sa mga miyembro ng TWG sina Reps. Juliet Ferrer, Malou Acosta-Alba, Arlene Brosas at Ma. Victoria Umali sa pamumuno ng chairman ng komite na si Rep. Ma. Lucille Nava.
“Today is a momentous occasion for countless wives, who are battered and deserted, to regain their humanity, self-respect and freedom from irredeemably failed marriages and utterly dysfunctional unions,” ani Lagman matapos maaprubahan ang panukala.
Agad isasalang sa plenary debate ang nasabing panukala para sa ikalawa at ikatlong pagbasa ng Kongreso.
Base sa nasabing panukala, maaari nang mag-divorce ang mag-asawa na 5 taon nang hiwalay o hindi nagsasama; kapag nagpalit ng kasarian ang asawa o nagkaroon ng sexual relationship sa iba; hindi na maayos ang kanilang hidwaan na dahilan ng kanilang paghihiwalay; pananakit sa isa’t isa at iba pa.
Ikinatuwa naman ito ni Gabriela party-list Rep. Arlene Brosas na kabilang sa may akda sa nasabing panukala. (BERNARD TAGUINOD)
175 