DIWA NG EDSA REVOLUTION IPAALALA SA KABATAAN

KAHIT ano’ng gawin ni Pangulong Ferdinand “Bongbong” Marcos Jr., hindi nito kayang burahin sa kasaysayan ng bansa ang diwa ng People Power Revolution o EDSA 1 na nagpatalsik sa kanyang pamilya sa Palasyo ng Malacañang noong 1986.

Ito ang tila mensahe ng mga progresibong grupo na muling magtitipon sa Edsa Shrine ngayong araw, para gunitain ang ika-39 taong anibersaryo ng mapayapang rebolusyon na tumapos sa mahigit dalawang dekadang pamumuno ng yumaong ama ni Marcos Jr., na si dating pangulong Ferdinand Edralin Marcos Sr.

Ayon sa Makabayan bloc, bagama’t idineklara ng Pangulo bilang working holiday ang araw na ito imbes na regular holiday, magsasagawa pa rin ang mga ito ng kilos protesta para ipaalala sa bagong henerasyon ang madilim na kasaysayan ng bansa upang hindi na ito maulit pa habang iginiit na panagutin ang mga ‘abusado’ sa gobyerno.

“Mainly impeachment (laban kay Vice President Sara Duterte), pagpapanagot sa mga abusado sa gobyerno,” ayon sa Makabayan bloc nang tanungin kung ano ang pangunahing isyu na dadalhin ng mga ito sa ika-39 taong paggunita sa EDSA 1.

Sa panig naman ni dating Bayan Muna party-list representative Teodoro ‘Teddy’ Casiño, isang mahalagang bunga ng EDSA 1 ay nang maisama sa 1987 Constitution ang ban sa mga political dynasty at pagpapabalik ng demokrasyang ipinagkait ng tinaguriang diktador na si Marcos Sr.

“But 39 years after EDSA, political dynasties have ballooned out of proportion, undermining democracy and accountability. The current deathmatch between the two most powerful political dynasties in the country—the Marcoses and Dutertes—is bringing us to the brink of chaos,” wika ni Casiño.

Dahil dito, hindi pa tuluyan umanong nakakamit ng sambayanan ang tunay na demokrasya dahil hawak pa rin ng iilang pamilya at mga oligarko ang kapangyarihan kaya kailangang ituloy ang ipinaglaban noon sa People’s Power.

“Kailangang pukawin ang People Power para wakasan ang mga political dynasties . Hindi maipapasa ang isang anti-dynasty law nang walang malakas na panawagan at pagkilos ng taumbayan.

Simulan natin sa pagtakwil sa mga dinastiya sa darating na eleksyon. Ipadama natin na ayaw na natin sa sistemang nagpapamana ng kapangyarihan sa iilang angkan,” ayon pa sa dating mambabatas.

“People Power toppled a dictator in 1986. Today, it can put an end to political dynasties,” pagtatapos nito. (PRIMITIVO MAKILING)

68

Related posts

Leave a Comment