DIWA NG PEOPLE POWER ‘DI KAYANG PATAYIN NI BBM

MARIING pinunto ni dating Bayan Muna party-list representative Teodoro ‘Teddy’ Casiño na kahit ano’ng gawin ni Pangulong Ferdinand ‘Bongbong’ Marcos Jr. ay hindi nito magagawang patayin ang diwa ng EDSA People Power Revolution na nagpatalsik sa kanyang pamilya noong 1986.

Reaksyon ito ng dating congressman Teddy Casino makaraang palabnawin o i-downgrade ni Pangulong Marcos Jr. bilang special working holiday na lang mula sa pagiging regular na holiday ang ika-39 na taong anibersaryo ng People Power sa Pebrero 25.

“The EDSA People Power Revolution remains as a testament to the power of ordinary people to hold their leaders accountable for their wrongdoing. Malacanang’s move to downplay this historic event is part of a larger effort to rewrite history, hoping that our people eventually forget their sovereign power,” ayon sa dating mambabatas.

Kahit anong pagsisinungaling aniya sa kasaysayan, hindi umano mabubura ang katotohanang buhay ang People Power at ito pa rin ang pinakamabisang paraan para pabagsakin ang mga Marcos at mapatalsik ang abusadong lider ng bansa.

Magugunita na noong Pebrero 22, 1986 ay nagtipun-tipon ang daan libong Pilipino sa bahagi ng Epifanio Delos Santos Avenue matapos dayain ng ama ni Marcos Jr. na si dating pangulong Ferdinand Edralin Marcos Sr. ang snap election na isinagawa noong Pebrero 7,1986 upang maideklara ang sarili bilang nanalong pangulo laban sa biyuda ni dating senador Benigno ‘Ninoy’ Aquino Jr., na si Corazon ‘Cory’ Aquino, na kalaunan ay nailuklok bilang pangulo ng bansa.

Dahil sa tinaguriang ‘bloodless’ revolution, natapos ang mahigit dalawang dekadang paghahari sa Pilipinas ni Marcos Sr., noong Pebrero 25, 1986 at napilitang tumakbo ito kasama ang pamilya sa Hawaii. Simula noo’y ginugunita ito bilang regular holiday upang ipagdiwang ang pagkakabalik ng demokrasya sa bansa.

“Kailangan nating panatiliin ang diwa ng EDSA. We commend the schools who have rejected Marcos’s order and declared February 25 a holiday in their campuses,” idiniin ni Casiño.

Nabatid na magsasagawa pa ng malawakang kilos-protesta ang mga progresibong grupo para gunitain ang anibersaryo ng Edsa People Power upang iparamdam sa mga Marcos at kaalyado nito na buhay-na-buhay pa rin ang diwa ang Edsa People Power Revolution.

“Tulad ng ginawa natin noong 1986, kaya nating talunin ang pang-aabuso at katiwalian sa panahon ngayon. Nasa taumbayan pa rin ang tunay na kapangyarihan,” giit ng dating kinatawan ng Bayan Muna. (PRIMITIVO MAKILING)

29

Related posts

Leave a Comment