DND, AFP HANDA SA PAGBABALIK NG NPA HIT SQUAD

HANDA ang Sandatahang Lakas ng Pilipinas na sumagupa sa hit squad ng New People’s Army (NPA) sa sandaling simulan nila ang pag-atake.

Kasabay nito, hinamon ni Defense Secretary Delfin Lorenza si Communist Party of the Philippine founding chairman Jose Maria Sison na totohanin ang banta na magpapakalat ng kanilang mga partisano o hit squad gaya ng Sparrow Unit nuong dekada 80.

Ayon kay Secretary Lorenzana, hindi matitinag ang Hukbong Sandatahan ng Pilipinas sa banta ni Sison na muli nilang idideploy ang kanilang hit squad.

“We dare Mr. Sison to bring on his terror threats. Unlike in the 80s, the AFP is more prepared to defeat his terrorist liquidation squads. The Filipino people will be on our side in this fight,” ayon sa inilabas na pahayag ng kagawaran.

“Mr. Sison, you are either hallucinating about your revolution succeeding or you are merely whistling in the dark while living an abundant and luxurious life abroad. The cadres you have fooled to join the NPA to be extortionists, arsonists, rapists, and murderers have met their tragic deaths fighting the government,” anang kalihim.

Ang tinutukoy umano ni Joma na partisan unit ay ang kanilang “terrorist NPA assassins” na tumatarget ng government officials at unarmed non-combatant civilians, ayon sa statement na ibinahagi ni AFP Spokesman Maj Edgard Arevalo.

Ang ibig umanong sabihin ni Sison sa Special Partisan Operation ay simpleng murder by assassination o katumbas ng extrajudicial killing.

Dahil sa nasabing hakbang, pinatunayan lamang umano ng CPP-NPA-NDFP na isa silang terrorist organization at tama ang Anti-Terrorist Council na ituring na teroristang grupo ang mga makakaliwa.

Nararamdaman na rin umano ang pagkawasak ng kanilang 52 taon ng misadventure na naging sanhi ng hindi makuwentang paghihirap ng taumbayan.

TUTOL SA NPA
DEATH SQUAD

Samantala, hindi pabor ang Federation of Free Workers (FFW) sa plano ng Communist Party of the Philippines (CPP) na magbuo ng “death squad” ang New People’s Army (NPA) dahil hindi ito ang solusyon sa hakbang ng administrasyong Duterte laban sa komunistang grupo.

Idiniin ni Atty. Jose Sonny Matula, pangulo ng FFW, na tutol sila sa pagpatay ng NPA sa mga Pilipino na tulad din ng umiiral nitong posisyon laban sa “extra judicial killings” (EJK), “death penalty” at iba pang porma ng pagpatay sa tao.

Kagyat na naglabas ng posisyon ang FFW laban sa plano ng CPP na ipinahayag ng isang Marco Valbuena, information officer ng komite sentral ng CPP.

Sabi ni Valbuena: “There is a standing order for the NPA to form partisan teams to mete out punishment against enemy units and officers who have committed bloody crimes against the people”.

“In due time, the NPA will be able to form more partisan teams who can carry out punitive actions in the cities or close to the cities”, susog ng kadre ng CPP.

Bilang pagpapatunay na ‘wasto’ ang parusang kamatayan ng NPA sa mga mayroong ‘utang na dugo’ sa mamamayang Pilipino, isiniwalat ni Valbuena ang pagpatay ng tropa ng NPA sa isang

“Jumar Bucales” noong Oktubre 4 sa Lianga, Surigao del Sur.

Aniya, si Bucales ay solido ang pagsuporta sa Anti-Terrorism Act of 2020 dahil ikinatwiran nito na ang nasabing batas ay magpapatigil sa pangingikil at pamamaslang ng mga komunistang rebelde laban sa mga katutubo.

Tinukoy rin ni Valbuena na si Bucales ang pinuno ng Magat-Bagani paramilitary vigilante group na naglunsad ng Lianga Massacre noong 2015 kung saan tatlo ang namatay, kabilang ang isang school director.

Noong 1980s, mayroong death squad ang NPA sa Metro Manila na pumatay sa ilang piling personalidad tulad ni U.S. Col. James Row noong Abril 1989 sa Quezon City.

Noong huling bahagi ng 1990s ay ipinatigil ng pamunuan ng CPP sa NPA ang nasabing killing team.

Ipinaliwanag ni Matula na: “As we enter 2021, we call for peace and not war. We don’t need to escalate violence and kill more Filipinos. We are aware that until now the killing competition is on-going”.

“The Filipinos are already tired of killings. Killings will not solve our problems. We condemn any extrajudicial killing in urban or in the countryside initiated by state forces or the communist guerrillas,” giit ni Matula.

Isinusog din ng beteranong lider-manggagawa na hindi kailangang magkaroon ng “killing competition” sa Pilipinas. (JESSE KABEL/NELSON S. BADILLA)

358

Related posts

Leave a Comment