PINAREREBISA ni Senador Leila de Lima ang Republic Act (RA) 11235 o ang Motorcycle Crime Prevention Law upang mabawasan ang pasanin ng mga may-ari ng mga motorsiklo sa gitna ng
COVID-19 pandemic.
Sa kanyang Senate Resolution 469, iginiit ni De Lima na dapat tutukan ng gobyerno ang pag-aresto at pagpapanagot sa mga kriminal sa halip na gipitin ang mga law-abiding motorcycle owners.
Ipinaliwanag ni De Lima na sa gitna ng pagharap ng gobyerno sa krisis, napipilitan ang mga ahensya at tanggapan ng gobyerno na limitahan ang kanilang operasyon.
Sa halip anya patawan ng parusa ang mga hindi makatutugon sa Doble Plaka Law, dapat pagtuunan ng pansin ng Land Transportation Office ang kanilang pagtugon sa bawat requirement ng batas.
Dapat din anyang pag-aralang mabuti ang epekto sa kaligtasan ng rider ang paglalagay ng mas malaking plaka sa harapan ng motorsiklo.
Una nang inihayag ng LTO na suspendido ang implementasyon ng mga regulasyon sa batas hanggang maging available na ang mga plaka sa pagitan ng Hulyo hanggang Setyembre. (DANG SAMSON-GARCIA)
