INIHAYAG ni Manila Mayor Francisco “Isko Moreno” Domagoso na hindi lamang pasyente sa pasyente ang naging transmisyon ng COVID-19 sa Ospital ng Maynila (OSMA) kundi doktor sa doktor na.
Ayon sa alkalde, 11 medical frontliners na pawang mga doktor at nurses ang naka-confine dahil nagpositibo sa COVID-19, apat na confirmed cases ang naka-home quarantine habang 32 namang ‘suspects’ ang nasa home quarantine pero asymptomatic.
Habang ang confirmed cases base sa contact tracing na ginawa ay nagkaroon ng close contact sa 58 katao.
Nabatid na upang maawat ang paglala ng pagkakahawaan ay ipinasya ng alkalde na isara simula ngayong Sabado hanggang sa Agosto 9 ang pagamutan para makapagpahinga ang mga doktor at nurse at iba pang medical personnel dahil kung dati ay pasyente sa doktor ang naghahawaan, ngayon ay doktor sa doktor na.
“So, para maka-focus na mapangalagaan ang kalusugan ng frontliners sa medical sector, there is a need to stop continuing the contagion among themselves… I want them to be healthy emotionally, physically and psychologically… to give a breathing space to our doctors,” pahayag ng alkalde.
Siniguro naman niya na tuloy ang serbisyo sa emergency cases o ‘life and death’ situation, gaya ng panganganak at accident victims.
Tuloy rin ang serbisyo sa hemodialysis, radiology, laboratory, telemedicines, serology, swab tests at pagtanggap ng bagong kaso ng COVID.
Lahat naman ng mga pasyente na naka-admit na sa OM ay mananatili at patuloy na aalagaan at gagamutin kasama ang mga pasyenteng may COVID.
“Hindi kami nagtataboy…we will continue despite the challenges pero ‘pag sa tingin namin ay mari-reach na ang maximum tolerance namin sa infection sa aming medical sector, ‘pag ‘di namin bingyang halaga ang aming mga frontliner, who will take care of the incoming and future COVID patients?” dagdag pa ni Moreno.
Sinabi pa ng alkalde, kaya pang tumanggap ng kaunting bilang ng pasyente sa naturang ospital. (RENE CRISOSTOMO)
