WALA pang agarang solusyon ang Department of Energy (DOE) sa nagpapatuloy na krisis sa suplay ng kuryente sa Visayas, ayon kay House Committee on Energy Chairman Jose Alvarez kasunod ng magkasanib na pagdinig ng tatlong komite ng Kamara.
“Wala silang immediate solution,” pahayag ni Alvarez sa isinagawang House inquiry ng Committee on Energy, Committee on Visayas Development at Committee on Legislative Franchises.
Tinalakay sa pagdinig ang kalagayan ng Visayas power grid, kabilang ang mga dahilan ng paulit-ulit na Yellow at Red Alert sa rehiyon, proseso ng procurement ng ancillary services at epekto nito sa singil sa mga consumer.
Tinanong ni Alvarez kung bakit patuloy na nakararanas ng power alerts ang Visayas kahit konektado na ito sa mas malawak na grid ng Luzon at Mindanao.
“Bakit Red and Yellow? Bakit Mindanao plants di makasupply? Bakit Luzon di makasupply?” tanong ni Alvarez.
Sinabi naman ni DOE Undersecretary Mario Marasigan na dahil sa sabay-sabay na pag-outage ng ilang malalaking power plant sa Mindanao, nasa 50 megawatts (MW) na lamang ang naibibigay nitong suplay sa Visayas, na malayo sa kinakailangang antas.
Aminado rin si Marasigan sa matagal nang problema sa suplay ng kuryente sa Visayas, partikular sa Negros, dahil sa kakulangan ng conventional at baseload power sources.
“Negros walang baseload except for isang geothermal. Puro renewable, solar. Kulang conventional plants,” ani Marasigan.
Ayon sa opisyal, mas madaling maapektuhan ang suplay kapag nakadepende sa renewable energy gaya ng solar dahil hindi ito palaging nakagagawa sa buong kapasidad.
“Pag may planta na nag-outage, kulang na po tayo,” pag-amin ni Marasigan.
Sinabi ni Marasigan na pangunahing prayoridad ngayon ng DOE ang pakikipag-ugnayan sa mga generation company upang mapabilis ang pagbabalik sa operasyon ng mga power plant na kasalukuyang naka-outage.
“Ang importante, makabalik agad yung mga planta na naka-out,” aniya.
Gayunman, aminado ang DOE na maaaring magpatuloy ang Yellow at Red Alert sa Visayas hanggang ikalawa o ikatlong linggo ng Oktubre dahil nananatiling mahina ang supply security sa rehiyon.
Samantala, binatikos ni Alvarez ang umano’y kawalan ng agarang aksyon ng DOE sa krisis sa kuryente sa Visayas.
Layunin ng pagdinig ng Kamara na matukoy ang mga hakbang para sa pangmatagalang solusyon sa madalas na brownout at power alerts sa rehiyon.
(TINA MENDOZA)
63 