DALAWANG opisyal ng Bureau of Customs (BOC) ang inilipat sa ibang posisyon bilang bahagi ng hakbang ng ahensya na palakasin ang intelligence operations at administrative oversight nito.
Batay sa Customs Personnel Order na may petsang Setyembre 15, ni-reassign si Director III Thomas Narcise, na dating nakatalaga sa Customs Intelligence and Investigation Service–Intelligence Group (CIIS-IG), at si Director III Jeoffrey Tacio, na dating nasa Strategic Advisory Office sa ilalim ng Office of the Commissioner.
Sa naturang personnel order, inilipat si Narcise sa Commissioner’s Strategic Advisory Office habang si Tacio naman ang itinalaga sa CIIS-IG.
Agad na ipinatupad ang kautusan na nilagdaan ni BOC Commissioner Ariel Nepomuceno.
Nabanggit ang pangalan ni Narcise sa isang complaint letter na isinumite kay Pangulong Ferdinand R. Marcos Jr. noong Disyembre 2025 ng ilang Customs officials, employees at stakeholders.
Sa liham, hiniling kay Pangulong Marcos ang isang impartial investigation kaugnay ng umano’y smuggling protection, corruption at abuse of authority sa loob ng BOC.
Isinagawa ang reassignment kina Narcise at Tacio matapos ipahayag ni Commissioner Nepomuceno na agad niyang tutugunan ang imbestigasyon sa umano’y mga ilegal na aktibidad sa ahensya, partikular ang pagsalakay ng Highway Patrol Group (HPG) sa isang warehouse sa Bulacan.
Tugon din ito sa panawagan ni Senator JV Ejercito na linisin ng BOC ang hanay nito.
69 