PINUNA ng isang vlogger/social media influencer si dating Marikina City 2nd District Rep. Stella Quimbo sa pananahimik sa gitna ng flood control scandal, gayung malaki aniya ang naging papel nito sa pagbuo ng 2025 budget bilang chairperson ng House Committee on Appropriations.
“Kamusta na kaya si Titser Stella Quimbo? Dati tricycle lang sinasakyan neto at mookha pa syang butikeng pagod, ngayon naka artista van at mas mayaman pa sa Principal hahaha!” post ni Jack Argota sa kanyang Facebook page.
Pinuna ni Argota ang pananahimik ni Quimbo, at sinabing isa ang dating mambabatas sa pinakamaraming natanggap na maleta na inihatid ng ex-Marines na tauhan ni dating Ako Bicol Partylist Rep. Zaldy Co.
“Ang tahimik mo na ah? Hindi ka namin makakalimutan titser, isa ka sa may pinakamaraming maletang na dileveran ng ex-Marines,” ani Argota.
Isinisi rin ni Argota kay Quimbo ang patuloy na pagbaha sa Marikina City.
“Kaya pala binabaha pa rin hanggang ngayon ang marikina kasi ninakaw nyo pera nila!” banat pa ng influencer.
Nagsilbi si Quimbo bilang acting House appropriations committee chairperson matapos magbitiw si Co bilang chairperson. Kabilang din si Quimbo sa House small committee, na responsable sa pagsapinal ng kontrobersyal na 2025 national budget.
Magugunitang kinumpirma ng isang dating Marine na nagsilbing security aide ni Co na naghatid umano siya ng nasa 50 maleta ng pera sa bahay ni Quimbo sa Quezon City.
“Maidagdag ko lang din doon sa pagdedeliver ko ng male-maletang pera sa bahay ni Congresswoman Quimbo sa Quezon City po, sa bahay niya mismo,” sabi ni Rodante Orbillo, na nagtrabaho kay Co mula Nov. 17, 2019 hanggang 2026 pagkatapos ng halos sampung taon bilang Marines.
“Male-maleta po. Siguro kuwan po talaga ‘yon… marami po. Hindi lang 10 o 30, mga 50 pa na maleta kasi may coaster pa siya roon na kulay itim, punumpuno na po ‘yon eh. Inililipat na rin doon sa iba pang sasakyan. O hindi kaya, doon sa loob ng bahay niya,” dagdag niya.
Sinabi ni Orbillo na nagpakita siya ng mga litrato ng pagdadala ng mga maleta sa bahay ni Quimbo.
Bago si Orbillo, dalawa pang dating Marines — sina Belnard Tube at Benny Bulontate — ang muling nagpatibay sa kanilang naunang pahayag na naghatid rin umano sila ng mga maletang puno ng pera sa bahay ni Quimbo.
Iniulat na nagbigay sila ng larawan ng walong malalaking maleta at isang maliit na maleta na inihatid sa tirahan ng dating mambabatas.
Ayon sa kanila, bawat malaking maleta ay may lamang humigit-kumulang P50 milyon hanggang P70 milyon, habang ang maliit na maleta naman ay may lamang P15 milyon hanggang P25 milyon. (EG)
96 