DOH BUDGET, DI ISASAKRIPISYO DAHIL KAY DUQUE

TINIYAK ni Senate Committee on Finance Chairperson Sonny Angara na kahit mayorya sa mga senador ang hindi pabor sa pamamahala ni Secretary Francisco Duque ay hindi maisasakripisyo ang karapat-dapat na budget para sa Department of Health (DOH).

“Hindi namin isasakripisyo ang kabutihan ng ating mga kababayan at pangangailangan ng mga kababayan, dahil we are talking about budget for hospitals, medicines dapat maging professional tayo dyan,” saad ni Angara.

Gayunman, sinabi ni Angara na pagdating sa pagdinig sa DOH budget, tatanungin nila kay Duque kung ano na ang nangyari sa mga health facilities na pinondohan sa mga nakaraang taon at ang update sa pagkuha ng mga dagdag na healthworkers.

Sa mga nakalipas na taon, ipinaalala ng senador na pangunahing nagiging puntos laban sa DOH ang hindi nagagamit na pondo para sa health facilities gayundin ang para sa hiring ng bagong mga doktor at nurses.

Para naman kay Senador Imee Marcos, sa halip na ibuhos sa DOH ang pondo para sa mga pagtugon sa kalusugan ng mamamayan lalo na ngayong pandemya, mas makabubuting hati-hatiin na lamang sa iba’t ibang kagawaran.

“Ang gagawin natin hati-hatiin na lang natin, tulad ng ginawa sa Bayanihan 2,” diin ni Marcos.

Inihalimbawa nito na sa Bayanihan 2, ibinigay din ang pondo sa Department of the Interior and Local Government para sa contact tracing habang mayroon ding inilagay sa Department of National Defense at sa Department of Science and Technology.

“Huwag ilagay lahat sa DOH at Philhealth,” dagdag pa ni Marcos.(DANG SAMSON-GARCIA)

152

Related posts

Leave a Comment