NAGBABALA ang Department of Health (DOH) na maaaring maging mapanganib sa kalusugan ng publiko ang kumalat na usok o haze sa ilang bahagi ng Luzon at Visayas.
Partikular na tinukoy ng DOH ang lugar sa Anda Circle sa Port Area, Manila, kung saan nananatiling unhealthy ang kalidad ng hangin, lalo na para sa mga bata, matatanda at mga taong may iniindang karamdaman.
Iniuugnay ang haze sa forest fire sa Kalimantan, Indonesia, na nagdulot ng transboundary smoke na umabot sa ilang bahagi ng Pilipinas.
Ayon sa DOH, maaaring maapektuhan ang respiratory system ng mga taong makalalanghap ng maruming hangin, lalo na ang mga kabilang sa vulnerable groups.
Samantala, batay sa Manila Air Quality Index na inilabas nitong Martes, Setyembre 1, 2026, naging “fair” na ang air quality readings sa lahat ng monitoring sites sa lungsod.
Kabilang dito ang monitoring stations sa Puregold Tayuman, San Sebastian Residences, Sta. Ana Hospital at Rajah Sulayman Park.
Gayunman, pinayuhan pa rin ang mga Manileño na magsuot ng face mask kapag lalabas ng bahay at iwasan ang hindi kinakailangang paglabas o pamamasyal habang mino-monitor ang kalidad ng hangin.
(JULIET PACOT)
74 