NAVOTAS TANGING CAMANAVA CITY NA WALA SA MMDA FLOOD LIST NOONG AGOSTO 29

NAVOTAS CITY — Habang maraming lugar sa Metro Manila ang binaha kasunod ng biglaang pagbuhos ng malakas na ulan noong Agosto 29, kapansin-pansing naiwasan ng Navotas ang matagalang pagbaha, na nagsilbing aktuwal na pagsubok sa flood-control system na matagal nang binuo at pinatatakbo ng lungsod.

Batay sa listahan ng Metropolitan Manila Development Authority (MMDA) na iniulat ng DZRH, Navotas ang tanging lungsod sa CAMANAVA area na hindi kabilang sa mga lugar na naitalang binaha.

Sa Navotas, mabilis na nailabas ang tubig mula sa mga kalsada habang patuloy na gumana ang pumping stations, floodgates, drainage system at mga dike na nagsisilbing magkakaugnay na depensa ng lungsod laban sa malakas na ulan at high tide mula sa Manila Bay.

Para kay Navotas Rep. Toby Tiangco, ipinakita ng insidente na nasusukat ang tunay na halaga ng flood-control infrastructure kapag dumating ang matinding ulan.

“Dito natin nakikita kung gumagana talaga ang proyekto. Kapag malakas ang ulan at mataas ang tubig pero mabilis nating nailalabas ang baha, ibig sabihin ginagawa ng sistema ang trabaho nito,” ani Tiangco.

“Hindi kailangan ng magarbong proyekto. Kailangan natin ng tamang imprastraktura, tamang engineering, regular na maintenance at mga pasilidad na talagang gumagana kapag kailangan ng tao,” dagdag niya.

Napansin din ng mga komentarista ang naging sitwasyon sa Navotas. Sa kanyang Chokepoint column, pinuri ni Bong Padua ang practical approach nina Tiangco at Navotas Mayor John Rey Tiangco sa problema ng pagbaha at binigyang-diin ang kahalagahan ng flood-control system na aktuwal na naghahatid ng resulta.

Iminungkahi rin sa komentaryo na maaaring pag-aralan ng Department of Public Works and Highways (DPWH), sa ilalim ni Secretary Vince Dizon, ang Navotas model at kung maaari itong iangkop sa mas malawak na CAMANAVA area, kung saan matagal nang problema ang pagbaha dahil sa malakas na ulan at high tide.

Ayon kay Tiangco, mahalagang tingnan ang flood control bilang isang integrated system. Ang mga dike ang nagsisilbing harang laban sa tubig mula sa Manila Bay, habang ang floodgates at pumping stations naman ang kumokontrol at naglalabas ng tubig mula sa loob ng lungsod.

“Hindi puwedeng paisa-isa ang solusyon sa baha. Kailangang magkakabit at sabay-sabay gumagana ang buong sistema—from the dikes to the floodgates to the pumping stations. At kailangang siguraduhin nating operational ang mga ito bago pa dumating ang ulan,” paliwanag niya.

Gayunman, nilinaw ni Tiangco na hindi nangangahulugang tapos na ang trabaho ng lungsod dahil sa magandang performance ng flood-control system noong Agosto 29.

“Hindi pa ito perfect at marami pa tayong kailangang gawin at pagbutihin. Patuloy nating palalakasin ang ating flood defenses dahil ang pinakaimportante ay mabigyan ang mga taga-Navotas ng proteksyon at kapanatagan sa tuwing may malakas na ulan o high tide,” ani Tiangco.

“Public funds should produce results people can actually see and feel. Sa flood control, simple ang sukatan: kapag dumating ang ulan, dapat gumana,” pagtatapos niya.

65

Related posts

Leave a Comment