‘MASTERMIND’ TAG PINALAGAN NG KAMPO NI ROMUALDEZ; REMULLA PINAG-IINHIBIT

PINUNA ng kampo ni dating House Speaker Martin Romualdez ang Office of the Ombudsman dahil sa umano’y maagang paghatol o “prejudgment” matapos siyang tawaging “mastermind” kaugnay ng nagpapatuloy na imbestigasyon sa mga flood-control project.

Ayon kay Atty. Ade Fajardo, legal counsel ni Romualdez, lubhang nakababahala ang pagpapataw ng naturang label habang nagpapatuloy pa ang preliminary investigation.

Aniya, lumilikha ito ng impresyon na mayroon nang pinal na konklusyon ang ahensya kahit hindi pa ganap na nasusuri ang mga ebidensya at naihaharap ang panig ng depensa.

Dahil dito, muling iginiit ng mga legal counsel ni Romualdez kay Ombudsman Jesus Crispin Remulla na mag-inhibit o umiwas sa paghawak ng kaso.

Matatandaang sa isang liham noong Abril 22 ay una nang hiniling ng depensa ang pag-inhibit ni Remulla dahil sa mga pahayag nito na umano’y nagdudulot ng matinding duda sa pagiging patas at walang kinikilingan ng imbestigasyon.

“Well, sa amin pong appreciation, at kami ay nangangamba na dahil sa maraming mga pampublikong posisyon ng kasalukuyang Ombudsman ay parang na-prejudge na, or parang meron nang conclusion na nabuo, at hinahabol ang ebidensya para lang masuportahan yung legal conclusion na sa amin namang palagay ay wala nga,” paliwanag ni Fajardo.

Binigyang-diin ni Fajardo na layunin ng preliminary investigation na alamin kung may sapat na batayan upang maghain ng kaso sa korte.

Dahil dito, aniya, hindi dapat nauuna ang mga pampublikong akusasyon at pagbabansag, lalo na’t nagbabago ang mga salaysay ng mga testigo at hindi pa naibibigay sa kampo ng depensa ang buong rekord ng ebidensya.

Iginiit pa ni Fajardo na ang paggamit ng mga derogatory label ay “prejudicial” at maaaring makaimpluwensiya sa opinyon ng publiko habang wala pang pinal na desisyon sa kaso.

Muling nanawagan ang kampo ni Romualdez sa Ombudsman na lutasin ang mga reklamo batay lamang sa malinis, patas at sapat na ebidensyang iniharap sa imbestigasyon, at hindi sa mga pampublikong paratang.

(TINA MENDOZA)

87

Related posts

Leave a Comment