HINDI sapat ang maunlad na kalakalan kung nakokompromiso ang kalikasan. Ito ang buod ng mensaheng inilahad ng Bureau of Customs – Port of Subic (BOC-POS) sa ginawang pakikibahagi para sa 10th Recyclable Collection Event kamakailan.
Katuwang ang Subic Bay Metropolitan Authority (SBMA) at Department of Environment and Natural Resources (DENR), inilunsad ang ikalawang bahagi ng taunang kampanyang naglalayong makapagbahagi ng tulong sa mga nangangailangan mula sa mga single-use plastic bottles na nakokolekta ng mga nasabing tanggapan ng pamahalaan.
Sa pinag-isang pahayag, hinimok ang iba pang mga tanggapan ng pamahalaan, pribadong sektor at maging mga iba pang sektor na makilahok at mangalap ng mga basurang plastic bottles na lubhang nakakasama sa kalikasan kung itatapon lamang kung saan-saan.
Anila, bukod sa mas malinis na kapaligiran, makakatulong din umano ito sa kawanggawa.
Pagtitiyak pa ng mga kinatawan ng mga nasabing mga ahensya ng pamahalaan, ang kikitain mula sa mga nakolektang botelyang plastik ay magiging bahagi ng donasyong sabayang kinakalap para sa mga mangingisda mula sa Barangay Cawag na lubhang napeperwisyo ang kabuhayan bunsod ng mga basurang bumabagsak sa karagatan.
“It has been a privilege to be of assistance to this cause, the Port of Subic is not only mandated to collect revenue, protect our borders and facilitate trade. We are also here to assist programs with a good cause and with a heart like this one. True to our core value of giving our services with the highest competence, efficiency, innovation, and service with a heart, with or without invitation, we are ready to support this group. Joining hands with the DENR and the SBMA, the Port of Subic under my command is here and ready to always provide our services”, ani Port of Subic District Collector Maritess Martin sa kanyang mensahe, kasunod ng pagtanggap ng pagkilalang iginawad ng SBMA sa kanyang tanggapang bahagi ng adbokasiya nitong nakalipas na limang taon. (JOEL AMONGO)
