PINABULAANAN ng Department of Transportation (DOTr) at ng pamunuan ng MRT‑3 ang mga alegasyong lumabas sa vlog ni Eli San Fernando at sa pahayag ng ilang miyembro ng MRT‑3 Employees Association hinggil sa umano’y kakulangan sa kaligtasan ng mga four-car train na ginagamit sa rail line.
Iginiit ng DOTr na nananatiling ligtas para sa publiko ang operasyon ng MRT-3, kabilang ang paggamit ng four-car train sets, at sinabi na hindi totoo ang pahayag na hindi ligtas sakyan ang naturang mga tren.
Ayon sa ahensya, lahat ng train sets ng MRT-3 ay dumaraan sa masusing technical evaluation bago payagang gamitin sa operasyon. Binigyang-diin ng DOTr na hindi nito pahihintulutan, kasama ang maintenance provider na Sumitomo Corporation, na makompromiso ang kaligtasan ng mga pasahero, na aniya’y pangunahing prayoridad sa araw-araw na operasyon ng linya.
Ipinaliwanag din ng DOTr na ang signaling system ng MRT-3 ay may kakayahang suportahan ang operasyon ng apat na bagon mula North Avenue hanggang Taft Avenue. Nakapasa rin umano ang sistema sa pagsusuri ng international rail consultant na SYSTRA, na nagkumpirma na ligtas patakbuhin ang four-car configuration.
Pinabulaanan din ng ahensya ang pahayag na hindi pa handa para sa deployment ang mga Dalian trains, gayundin ang alegasyon na kulang sa pagsasanay ang mga train driver. Ayon sa DOTr, ang mga tren ay sumasailalim sa kinakailangang technical tests at evaluation bago pahintulutang gamitin, habang patuloy ang coordination meetings upang matiyak ang operational readiness at pagsunod sa mga pamantayan sa kaligtasan.
Nilinaw rin ng DOTr na nagpadala ang MRT-3 ng sulat kay Rep. San Fernando noong Pebrero 13 na naglalaman ng paliwanag sa isinagawang technical at safety evaluation na nagpapatunay na ligtas gamitin sa araw-araw ang four-car trains.
Ayon sa pamunuan ng MRT-3, natanggap ng tanggapan ni San Fernando ang naturang liham noong Pebrero 18, ngunit wala umanong naging tugon mula sa kanyang opisina matapos ang pagtanggap nito.
Ipinaliwanag din ng MRT-3 sa mambabatas na ang work schedule ng mga train driver ay nakabatay sa mga alituntunin ng Civil Service Commission, alinsunod sa umiiral na patakaran sa serbisyo publiko.
Sa gitna ng patuloy na pagtaas ng presyo ng krudo, sinabi ng DOTr na mahalagang mahikayat ang mas maraming komyuter at may-ari ng sasakyan na gamitin ang mga rail line upang makatipid sa gastusin sa transportasyon.
Binigyang-diin ng ahensya na ang pagpapalakas ng kumpiyansa ng publiko sa mass transport system ay mahalaga, lalo na sa panahon ng pandaigdigang hamon sa ekonomiya, kung saan kinakailangang matulungan ang mga komyuter sa pamamagitan ng ligtas, maaasahan, at abot-kayang transportasyon.
57 