AMLC HUWAG PAKIALAMAN – LACSON

NAGBABALA si Senador Panfilo Lacson laban sa anomang tangka ng pribadong interes na pakialaman o impluwensiyahan ang pamunuan at operasyon ng Anti-Money Laundering Council (AMLC), at iginiit na dapat manatiling independent at hindi pinakikialaman ang pangunahing financial intelligence body ng bansa.

Ayon kay Lacson, napakahalaga ng papel ng AMLC sa pagprotekta sa integridad ng financial system ng bansa kaya hindi ito dapat mapasailalim sa anomang pressure mula sa pulitika o pribadong interes.

Binigyang-diin din niya na ang sinomang magtatangkang manipulahin o pakialaman ang konseho ay maaaring managot sa ilalim ng batas.

“Maganda ang ginagawa ng council kaya hindi dapat pakialaman,” ani Lacson. “Hindi dapat tanggalin ang mga tao diyan para lamang ipasok yung paborito ng kung sino.”

Dagdag pa ng senador, ang anomang attempt na i-undermine o impluwensiyahan ang AMLC ay maaaring magresulta sa pagsasampa ng kaukulang kaso laban sa mga responsable.

Sa isang panayam, sinabi ni Lacson na hindi pa niya personal na naririnig ang ulat na may isang negosyante umano na gustong impluwensyahan kung sino ang mauupo sa board ng AMLC.

Gayunman, iginiit niyang hindi puwedeng mangyari ang ganitong sitwasyon dahil malinaw na nakasaad sa batas ang mandato ng konseho.

“Hindi puwede iyon,” ani Lacson. “Saklaw ng batas ang Anti-Money Laundering Council. May mga proseso at mandato iyan sa ilalim ng batas.”

Hindi man direktang nanawagan si Lacson kay Eli Remolona Jr., na siyang governor ng Bangko Sentral ng Pilipinas at chairman ng AMLC, na i-expose at kasuhan ang mga indibidwal na umano’y kumikilos upang pahinain ang independence ng konseho, nagpahiwatig naman siya na ang failure na ipagtanggol ang integridad ng institusyong nasa kanyang watch ay maaaring maituring na disservice sa financial oversight system ng bansa.

Si Lacson, na isa sa mga mambabatas na matagal nang nagsusulong ng mga amyenda sa Anti-Money Laundering Act of 2001, ay nagsabing patuloy ang mga hakbang sa Senado upang lalo pang palakasin ang kapangyarihan ng AMLC sa pag-trace ng suspicious financial transactions at sa paglaban sa money laundering.

Ayon sa kanya, ang Senate Blue Ribbon Committee ay mayroon nang mga rekomendasyon upang higit pang mapalakas ang mandato at kakayahan ng konseho.

“We have several recommendations to further strengthen the Anti-Money Laundering Council, especially their powers,” ani Lacson. “These are meant to be incorporated into amendments to the Anti-Money Laundering Law.”

Binigyang-diin din ng senador na maganda ang kasalukuyang ginagawa ng AMLC at hindi ito dapat gambalain ng mga pagtatangkang manipulahin ang pamunuan nito.

“Maganda ang ginagawa ng council ngayon,” aniya, sabay banggit sa kanyang pakikipag-ugnayan sa mga opisyal ng AMLC, kabilang si Executive Director Matthew David.

Inihayag din ni Lacson na siya mismo ang nagpanukala ng dagdag na pondo para sa AMLC sa deliberasyon ng 2026 national budget.

“Ang liit ng kanilang budget,” ani Lacson. “Sabi ko nga noon, mas malaki pa ang kinurakot sa isang project ng isang malaking contractor kaysa sa budget ng Anti-Money Laundering Council.”

Dahil dito, iminungkahi niya na ibalik ang pondong hindi naibigay sa AMLC sa ilalim ng National Expenditure Program. Kalaunan ay isinama ito sa committee amendments sa pagtalakay ng badyet.

Kinilala rin ni Lacson ang papel ni Sherwin Gatchalian, na siyang namuno sa mga talakayan sa badyet, sa pagsuporta sa panukalang dagdag pondo at sa pagsasama nito sa committee amendment para sa 2026 budget.

Sa huli, binigyang-diin ng senador na ang pagpapanatili ng independence at integridad ng AMLC ay mahalaga upang mapanatili ang tiwala ng publiko at matiyak na ang pagpapatupad ng mga batas laban sa money laundering ay nananatiling patas at epektibo.

(JOEL O. AMONGO)

72

Related posts

Leave a Comment