DPWH BUSOG SA 2021 BUDGET

ANG Department of Public Works and Highway (DPWH) na pinamumunuan ni Secretary Mark Villar ay busog na busog ang badyet sa 2021, batay sa rekord ng Department of Budget and Management (DBM) na ipinasa sa Kamara de Representantes.

Nangunguna pa rin ang sektor ng edukasyon (Department of Education, Commission on Higher Education at Technical Education and Skills Development Authority) sa kabuuang panukalang badyet na P754 bilyon dahil nakasaad at ipinag-utos ng Konstitusyong 1987 na kailangang pinakamalaki ang badyet ng edukasyon bawat taon.

Samakatuwid, iligal at tahasang paglabag sa Konstitusyon, pundamental na batas ng bansa, kapag hindi pinakamalaki ang kolektibong badyet ng DepEd, CHEd at TESDA.

Sinundan ito ng DPWH na P667.3 bilyon ang hinihinging badyet para sa susunod na taon.

Kasama sa pondong ito ang badyet ng DPWH para sa distritong kinatawan ng mga kongresista sa Kamara.

Ito ang pinagmulan ng away sa “pork barrel” ng mga kongresistang kakampi ni Speaker Alan Peter Cayetano at mga kapanalig ni Marinduque Rep. Lord Allan Velasco.

Nang sitahin ni ACT-CIS party- list Rep. Eric Go Yap, pinuno ng Appropriations Committee, si Villar hinggil sa detalye ng hatian ng pondo ay hindi agad nito naipaliwanag.
Nangako si Villar na ipapasa niya ito sa Kamara kapag humingi ng kopya ang komite ni Yap.

Ang busog na busog na badyet ng DPWH na ang bulto ay pinaniniwalaang inilagay sa mga kakampi ni Cayetano ang siyang naging ‘bala’ ni Davao City Rep. Paolo Duterte nang magpakawala ng ideyang bakantehin ni Cayetano ang posisyon ng speaker at ng 22 deputy speakers.

Napabalitang kumilos agad mismong si Cayetano, kaya hindi ito natuloy nitong Setyembre 21.

Habang pinagtatalunan ang P667.3 bilyon ng DPWH, mapapansing mistulang kinawawa ang Department of Social Welfare and Development (DSWD) para sa 2021 dahil P171.2 bilyon lang badyet na inilaan sa naturang kagawaran.

Walang kinalaman ang DSWD sa programang “Build, Build, Build” (BBB) ng administrasyong Duterte, ngunit malaki ang papel na ginagampanan nito sa suliranin ng bansa sa kahirapan – ang ayuda sa mga taong hirap na hirap sa buhay dulot ng patuloy na pananalasa ng coronavirus disease-2019 (COVID-19).

Namimigay rin ng pera ang DSWD sa mahihirap upang ipambili ng gamot at namamahagi ng social pension ng senior citizens.

Sakaling pumasa ang P667.3 bilyon ng DPWH sa Kamara, pagpapaliwanagin ito nang husto ni Senador Panfilo Lacson lalo pa’t nadiskubre niyang mahigit P531 bilyon sa P667.3 bilyon ay “inulit” lamang ang pondo ng 2020 at “lump sum,” o walang detalye ang pondo. (NELSON S. BADILLA)

110

Related posts

Leave a Comment