ISASAILALIM sa masusing imbestigasyon ang isang abandonadong BMW upang mabatid kung ang driver nito ay dinukot ng hindi pa nakikilalang mga suspek, makaraang matagpuang abandonado ang nasabing sasakyan sa Roxas Boulevard sa Malate, Manila nitong madaling araw ng Huwebes.
Ayon sa ulat ni P/Lt. Col. Rodel Borbe, commander ng Manila Police District-Malate Police Station 9, dakong umaga nang madiskubre ang dark blue na BMW na may plakang NDE-5943, habang umaandar pa ang makina at radio sa mismong tapat ng Aristocrat restaurant sa Roxas Boulevard.
Dahil dito, kinordon ang paligid ng sasakyan saka tumawag sa MPD – Scene of the Crime Operatives (SOCO).
Sa report ng pulisya, bandang alas-4:00 pa umano ng madaling araw nang mapansin ng ilang mga tao ang kotseng iniwan sa lugar. Basag ang harapang salamin at ang bumper nito ay may mga gasgas.
Napansin din ang dashboard ay nakabukas kaya inaalam kung maaring makapagbigay ng linaw o kasagutan ang makukuhang footage nito
Ayon sa ilang saksi sa lugar, apat na ‘di kilalang suspek ang umano’y dumukot sa lalaking biktima/driver ng BMW.
Sakay umano ang mga suspek ng dalawang sports utility vehicle at mabilis na tumakas patungo sa direksyon ng P. Quirino Ave. sa Malate.
Gayunman, sinusuri pa ng pulisya ang CCTV footages sa lugar para sa karagdagang impormasyon hinggil sa insidente.
Sa huling datos ng pulisya, iniutos ni MPD-District Director, P/Brigadier General Leo “Paco” Francisco na alamin kung kanino nakapangalan ang sasakyan at napag-alaman na sa Del Monte Philippines umano ito nakarehistro. (RENE CRISOSTOMO)
233 