SINIMULANG busisiin ng mga pulis-Mandaluyong ang anggulong ilegal na droga at sugal sa pagkamatay ni Philippine Charity Sweepstakes Office (PCSO) Board Secretary Wesley Barayuga.
Nadiskubre ng mga may hawak ng kaso ni Barayuga, na kasama ang huli sa drug list ni Pangulong Rodrigo Duterte na inilabas noong 2016.
Si Barayuga ay huling nadestino sa Philippine National Police (PNP) sa Rehiyong Central Visayas bago magretiro.
Bukod sa droga, sinisiyasat din ng mga imbestigador ang anggulong ipinapatay si Barayuga ng mga gambling lord na nadismaya sa PCSO, banggit ni Col. Hector Grijaldo Jr., hepe ng Mandaluyong City-PNP, sa media.
Si Barayuga at ang kanyang driver na si Salvador Gunao, ay nakasakay sa pick-up habang binabagtas ang Calbayog Street (sakop ng Brgy. Highway Hills) nang biglang pagbabarilin silang dalawa ng suspek na nakasakay sa motorsiklo.
Namatay si Barayuga at sugatan naman si Gunao. Nagpapagaling na si Gunao sa kasalukuyan.
Ayon kay Grijaldo, determinadong patayin si Barayuga dahil tatlong sasakyan (isang Honda Civic at dalawang motorsiklo) ang bumubuntot sa opisyal ng PCSO.
Ibig sabihin, nais ng mga taong posibleng may malaking galit kay Barayuga, na masigurong matapos na ang buhay nito makaraang pagbabarilin pasado alas tres ng hapon noong Hulyo 31. (NELSON S. BADILLA)
