SA gitna ng mga makabagong teknolohiyang gamit kontra smuggling, nananatiling maaasahan pa rin ang mga asong sinanay sa paniniktik ng droga.
Sa isang operasyong magkatuwang na inilunsad ng Bureau of Customs (BOC) at Philippine Drug Enforcement Agency (PDEA) kamakailan, arestado ang isang babaeng consignee ng halos 10,000 tableta ng mga party drugs na ikinubli sa sa mga nakatuping kobre kamang ibiniyahe pa mula sa Brussels, Belgium.
Sa tala ng PDEA, aabot sa P16.9 milyon ang halagang katumbas ng 9,917 ecstacy, isang uri ng drogang nagbibigay ng kakaibang sigla.
Ayon sa BOC, naging kaduda-duda ang bagaheng idineklara bilang kobre kama, mga pambabaeng bag, relo at mga retaso ng tela matapos idaan sa x-ray inspection. Sa hangaring mabatid ang laman ng mga bagahe, minabuting ipaamoy sa K9 sniffing dogs ng PDEA ang nasabing bagaheng lumapag sa Port of Clark sa lalawigan ng Pampanga.
Nang buksan ang bagahe, dito na tumambad ang sandamakmak na ecstasy. Agad namang nagkasa ng isang controlled delivery operation ang dalawang ahensya sa Barangay Tatalon sa Quezon
City batay sa nakatalang address ng consignee. Arestado ang suspek na nahaharap sa asuntong paglabag sa Comprehensive Dangerous Drugs Act.
Kaugnay nito, inatasan naman ni Customs Commissioner Rey Leonardo Guerrero ang buong kawanihan na pag-ibayuhin ang pagbabantay ng mga pumapasok na iligal na kargamento – partikular sa mapaminsalang droga, lalo pa aniya’t karaniwan ang pagtaas ng dami ng mga lumalabag na kalakal at bagahe sa tuwing nalalapit ang Kapaskuhan.

169