CAVITE – Patay ang isang lalaki na dalawang beses nang nakulong dahil sa ilegal na droga, makaraang barilin ng motorcycle rider sa harap ng kanyang tindahan sa Bacoor City noong Biyernes ng gabi.
Kinilala ang napatay na si Ricardo Tipawan, nasa hustong gulang, ng #318 Zapote 1, Bacoor City habang pinaghahanap ang suspek na si Rackman Rakim ng #220 Kablusan St., Brgy. Zapote 2, Bacoor City, Cavite.
Ayon sa ulat ni Pat. Marco Romero Cupo ng Bacoor City Police, dakong alas-7:45 noong Biyernes ng gabi nang mangyari ang insidente.
Napag-alaman, bumili ng sigarilyo ang suspek sa tindahan ng biktima sa Brgy. Zapote 1 saka umupo sa kanyang motorsiklo na nakaparada sa harapan ng tindahan.
Tila may hinihintay ang suspek dahil pagkaraan ay bumili uli ng sigarilyo at muling naupo sa kanyang motorsiklo.
Ngunit nang makitang lumabas ang biktima ay mabilis na bumunot ng baril ang suspek at pinagbabaril si Tipawan.
Pagkaraan ay mabilis na tumakas ang suspek lulan ng kanyang motorsiklo.
Inaalam pa ng pulisya ang posibleng motibo sa pagpatay ngunit base sa record ng pulisya, dalawang beses na nakulong ang biktima dahil sa paglabag sa RA 9165 (Comprehensive Dangerous Drugs Act of 2002) (SIGFRED ADSUARA)
