PATAY ang isang hinihinalang drug suspect matapos makipagbarilan sa mga pulis na nagsilbi ng search warrant sa kanyang bahay habang arestado ang live-in partner nito at walong iba pa kabilang ang isang minor sa Valenzuela City, kahapon ng madaling araw.
Si Michael Franco, 48, ng 042 J. Santiago St., Libo, Malanday, ay hindi na umabot nang buhay sa Valenzuela City Emergency Hospital habang ang ka-live-in nito na si Michelle Callo, 48, ay naaresto matapos ang shootout.
Kinilala naman ni Valenzuela police chief P/Col. Fernando Ortega ang walo pang naaresto na sina Alfrancis Valencia, 19; Joselito Filo, 43; Josephine Lopez, 47; Louie Caillo, 23; Rainier Franco, 20; Myrna Barsaga, 46; Arlene Albay, 23 at 15-anyos na binatilyo na pawang naaktuhang gumagamit ng droga sa bahay ng suspek.
Ayon kay Col. Ortega, bandang alas-4:05 ng madaling araw nang isilbi ng pinagsamang mga tauhan ng Station Drug Enforcement Unit (SDEU), Special Weapons and Tactics (SWAT) team at Police Community Precinct (PCP) 6, sa pangunguna ni Capt. Segundino Bulan, Jr. at Lt. Ronald Sanchez sa bahay ni Franco ang search warrant na inisyu ni Valenzuela Regional Trial Court (RTC) Judge Emma Matammu ng Branch 269.
Nang pumasok ang mga pulis sa gate ng bahay ng suspek ay sinalubong sila ng mga putok ng baril na tumama sa sementadong dingding at washing machine kaya’t napilitang gumanti ng putok ang mga awtoridad hanggang tamaan si Franco. (FRANCIS SORIANO)
