DUTERTE BIKTIMA NG “INJUSTICE” SA SARILING BANSA?

PUNA ni JOEL O. AMONGO

MARAMI ang nagsasabi na biktima ng injustice si dating Pangulong Rodrigo Roa Duterte sa pag-aresto sa kanya kamakalawa, na pinangunahan ni Criminal Investigation and Detection Group (CIDG) chief General Nicolas Torre.

Kamakalawa dumating sa Ninoy Aquino International Airport (NAIA) si Pangulong Duterte galing sa Hong Kong na pagkalapag ng eroplano na sinasakyan nito sa nasabing paliparan ay agad siyang dinala sa Villamor Air Base na kung saan siya binasahan ng “Miranda Rights” o “Mga Karapatan sa Miranda.”

Nakapaloob sa “Miranda Rights” ang pagsasabi ng nagpapatupad ng pag-aresto ng: “May karapatan kang manahimik”, “Anomang sasabihin mo ay maaaring gamitin laban sa iyo sa korte”, at “May karapatang kang magkaroon ng abogado”.

Nang binasahan ba ng “Miranda Rights” ay may kasama siyang mga abogado, bilang mga legal counsel niya?

May mga nagsasabing wala roon sina Atty. Sal Panelo at Atty. Silvestre Bello, tumatayong mga abogado ni Duterte.

Dahil sa sobrang paghihigpit ng mga kagawad ng pulisya ay hindi nakapasok sina Atty. Panelo at Atty. Bello. Bakit hindi sila pinapasok? Karapatan naman ng bawat Pilipino na kapag may inaakusa sa ‘yo ay kailangan mo ng abogado. Kaya pumapasok na ang sinasabing biktima ng “injustice” ang dating pangulo.

Sa personal kong pananaw, walang karapatan ang International Criminal Court (ICC) na manghimasok sa Pilipinas at arestuhin ang mga Pilipino tulad ng ginawa nila kay dating Pangulong Duterte.

Isa siyang Pinoy na nagkasala sa kababayan niya, kaya dapat siya sampahan ng kaso at litisin sa Pilipinas din.

Marami pang pangyayari na hindi ikinonsidera ng mga umaresto sa dating pangulo ng bansa.

Lumalabas na hindi hustisya ang hinihiling ng mga biktima ng war on drugs sa ilalim ng administrasyon ni dating Pangulong Duterte, kundi pulitika ang nangingibabaw.

Ang pagkunsinti ng kasalukuyang administrasyon sa pag-aresto kay dating Duterte ng ICC at dalhin sa The Netherlands kung saan siya lilitiisin, ay hindi dumaan sa tamang proseso.

Dati sinabi ni Pangulong Bongbong Marcos na hindi siya makikipagtulungan sa ICC para sa kaso ni dating Pangulong Duterte, ngayon tila nabago ang kanyang pananaw.

Sinabi niya na naobliga siyang tumulong sa Interpol para maaresto si dating Pangulong Duterte dahil tumutulong din daw ito kapag kailangan ng Pilipinas na may aarestuhin sa ibang bansa na Pilipinong nagkasala sa bansa tulad kay dating Cong. Arnolfo Teves.

Ngayon dahil pinayagan na ng kasalukuyang administrasyon ang ginawang pag-aresto kay dating Pangulong Duterte ay magiging tuloy-tuloy na ito na kahit sinong gustuhin nilang ipaaresto ay magagawa na nila.

Isang malaking sampal ito sa “justice system” ng bansa, lumalabas na walang silbi ang mga korte ng Pilipinas kaya nakikialam ang ICC sa bayan ni Juan.

Masyadong marumi ang pulitika sa Pilipinas, dahil dito ay patuloy na lumulubog ang bansa sa kahirapan.

Anong epekto ng ginawa nilang pag-aresto kay dating Pangulong Duterte? Siyempre aalma ang mga Pilipino na naniniwala sa dating presidente dahil hindi sila makapapayag na maging biktima ng inhustisya si Digong.

Simula pa lang nang dinala si Duterte sa Villamor Air Base ay dumagsa na ang kanyang mga taga-suportado at sa kasalukuyan ay lalong dumarami ang mga nadidismaya sa pangyayari.

Maging sina dating Senator Alan Peter Cayetano at Sen. Gringo Honasan ay nagpahayag ng pagkadismaya sa ginawa ng gobyerno kay dating Pangulong Duterte.

Naniniwala ang mga senador na ito na pinagkaitan ng karapatan si dating Pangulong Duterte.

Maging sina US President Donald Trump at China Pres. Xi Jinping ay hindi nagustuhan ang ginawang pag-aresto ng ICC kay dating Pres. Duterte.

Abangan na lang natin ang susunod na kabanata… sana hindi humantong sa kaguluhan dahil hirap na hirap na ngayon ang mga Pilipino kahit na walang kaguluhan sa bansa, paano na kung mayroong kaguluhan? Sama-sama tayong magdasal na maging kalmado ang mga Pilipino.

oOo

Para sa reaksyon at reklamo, mag-email sa operarioj45@gmail.com o mag-text sa cell# 0977-751-1840.

12

Related posts

Leave a Comment