PHILHEALTH FUNDS ‘DI DAPAT IPINANGNENEGOSYO

MANINIKTIK ni GREGORIO SAMAT

TAMA si senatorial candidate Atty. Vic Rodriguez na dapat gamitin at ubusin ang pondo ng Philippine Health Insurance Corporation (PhilHealth) para tulungan ang mga Pinoy sa kanilang bayarin sa hospital kapag sila ay nagkakasakit.

Noong 2024, halos kalahating trilyong piso o P498 billion cash ang hawak ng PhilHealth pero imbes na gamitin ang pondong ito para matulungan ang mga nagkakasakit sa kanilang bayarin sa hospital ay pinagdadamutan nila ang mga ito.

Marami akong kilala na kapag may nagkasakit sa kanilang pamilya ay lumalapit sila sa mga senator, congressmen, mayor, governor para humingi ng guarantee letter (GL) para mabawasan ang kanilang hospital bills.

Kung hindi sapat ang kanilang nakuhang GL ay nagbabakasakali rin sila Philippine Charity Sweepstakes Office (PCSO) at Department of Social Welfare and Development (DSWD) at iba pang ahensya ng gobyerno.

Nakatira ako malapit sa DSWD sa harap ng Batasan Pambansa sa Quezon City at walang araw na walang pila ng mga tao at kung tatanungin mo sila ay sasabihin sa iyo na nasa hospital ang kanilang ama, o ina, o anak, o asawa.

Hindi ko matanggap na pagtakip-silim pa lamang ay may nakapila na sa labas ng DSWD at doon na sila matutulog sa labas sa pagnanais na makakuha ng tulong para may pambayad o pandagdag sila ng hospital bills.

Hindi sana nangyayari ‘yan kung gagamitin lang ng PhilHealth ang kanilang pondo sa mga tao at hindi ipinangnenegosyo. Ang nakokolektang kontribusyon ay ipinampupuhunan nila sa negosyo ng mga pribadong korporasyon para raw lumaki.

Kaya nga tinangka ng Maharlika Investment Corporation (MIC) na gamitin ang P89.9 billion na hindi nagamit ng PhilHealth mula sa subsidiya ng gobyerno sa mga hindi miyembro o walang buwanang kontribusyon.

Kaya tama si Atty. Rodriguez na dapat ubusin ang pondong ito sa kalusugan ng mga tao at hindi dapat ipinangnenegosyo ng PhilHealth dahil marami pong mahihirap na pasyenteng hindi nakalalabas sa hospital dahil kulang ang GL na kanilang nakuha at wala silang sariling pera.

Paano natitiis ng PhilHealth ang mga kababayan nating naghihirap at nababaon sa utang eh meron silang halos kalahating trilyon at patuloy ang pangongolekta nila ng premiums sa active members o ‘yung mga nagtatrabaho pa.

Sapilitan ang premium sa PhilHealth dahil bago matanggap ng isang empleyado ang kanilang sahod ay ibinawas na ang kanilang kontribusyon at ang malupit ay patuloy ang pagtaas ng premiums.

Kaya nandyan ang gobyerno ay para tulungan ang mga tao dahil ang ipinantutulong nila ay mula rin naman sa nakokolektang buwis sa mamamayan kaya wala silang karapatan na hindi gamitin ang pondong iyan sa mga taong nangangailangan!

37

Related posts

Leave a Comment