PINAIIMBESTIGAHAN ni Bayan Muna Chairman Neri Colmenares sa administrasyong Duterte ang report na 100 beses nang tinangkang i-hack ang National Grid Corporation of the Philippines (NGCP).
Ayon kay Colmenares, dapat ay may malakas na cybersecurity infrastructure safeguard ang NGCP dahil ang isang pag-atake lamang dito ay maaaring magdulot ng malawakang blackout sa bansa.
Magugunitang inamin ni NGCP Chief Executive Officer Anthony Almeda sa pagdinig ng Senate Energy Committee kamakailan na may 100 beses nang nakaranas ng cyber attacks ang power grid.
Ani Almeda, may ilang linggo ring tinangkang i-hack ang NGCP.
“On the cyber attack, for the past few weeks that we’re here, we’ve been attacked a hundred times. As we speak, it’s from the outside,” aniya.
Nauna na ring hinamon ni Bayan Muna Rep. Carlos Isagani Zarate ang administrasyong Duterte na isailalim sa audit ang NGCP kasunod na rin ng naisiwalat sa Senate inquiry na kontrolado na ng China ang operasyon nito at may mga isyu sa kanilang sinisingil na transmission rates.
Ayon kay Zarate, bagama’t isang pribadong kumpanya ang NGCP, ang operasyon naman nito ay may public interest kaya maaari itong busisiin ng gobyerno, pangunahin na ng Commission on Audit (COA) at Kongreso.
“NGCP has not been reviewed for more than ten years now and it is high time that NGCP undergoes an independent audit so that a rate reset may be implemented if its transmission rates are found to be unjustly high,” ani Zarate.
Ang NGCP ay sentro ngayon ng usapin makaraang mabunyag na 40% ng kumpanya ay pagmamay-ari na ng State Grid Corp of China (SGCC), na dapat ay technical partner lamang ng Filipino consortium na Monte Oro Grid Resources na pagmamay-ari ni Henry Sy, Jr. at ng Calaca High Power Corp ni Robert Coyuito, Jr.
Napag-alaman din na ang mga Chinese engineer na ng SGCC ang siyang nag-ooperate at nagsasagawa ng troubleshoot sa transmission facilities at may kakayahan na rin na i-shut down ito mula sa kanilang monitoring system sa Nanjing, China.
Iginiit ni Zarate na dapat magkaroon ng transparency sa operasyon ng NGCP at hindi dapat ipagwalang-bahala ng Kongreso ang nabunyag na mga iregularidad na, aniya, ay malinaw na banta sa seguridad ng bansa.
Nauna nang nagbanta ang ilang senador na isusulong nila ang pagbawi sa 50-taong prangkisa ng NGCP matapos mabunyag na ang mga Chinese executive na ng SGCC ang nagkokontrol ng NGCP na malinaw na paglabag sa batas na nagtatakda na ang public utilities ng bansa ay dapat na nasa pangangasiwa ng mga Filipino.
Anila, patunay rito ang nakuhang dokumento para sa Luzon Substation Expansion Project 3 na pirmado ng isang Wen Bo, na sinasabing ikalawa sa pinakamataas na opisyal ng NGCP habang ang Board of Directors din ng kumpanya ay pinamumuuan ng isang Zhu Guangchao. SAKSI NGAYON NEWS TEAM
