PORMAL na iniluklok bilang Speaker ng Mababang Kapulungan si Isabela Rep. Faustino “Bojie” Dy III kasunod ng pagbibitiw ni Leyte Rep. Martin Romualdez sa gitna ng kontrobersya sa flood control projects.
Sa isinagawang nominal voting, 253 Congressmen ang bumoto kay Dy bilang Speaker, 28 ang nag-abstain na pawang mga miyembro ng minorya at agad nanumpa sa ‘benjamin” o pinakabatang miyembro ng Kamara na si Negros Occidental Rep. Javi Benitez.
Walang tumayong kalaban si Dy na ninominate nina Quezon City Rep. Ralph Wendel Tulfo at Isabela Rep. Antonio “Tonypet” Albano.
Si Dy ay huling naging congressman noong 2007-2010 kung saan nagsilbi itong governor ng tatlong termino bago naging vice governor mula 2019 hanggang 2022 at bumalik bilang kinatawan ng ika-6 distrito ng Isabela.
Kabilang sa bumoto kay Dy ang mga kritiko ni Romualdez na sina Navotas Rep. Toby Tiangco at Bacolod Rep. Albee Benitez habang nag-abstain naman si Dasmarinas City, Cavite Rep. Francis “Kiko” Barzaga.
WALA MUNANG GALAWAN
Sa ambush interview naman kay House majority leader Sandro Marcos, sinabi nito na walang isasagawang pagbabago sa mga posisyon at chairmanship ng mga komite dahil nasa gitna ng deliberasyon sa 2025 General Appropriations Bill (GAB).
“Sa tingin ko nasa gitna pa tayo ng budget. Kailangan nating ipasa ang pinakaimportanteng batas ng ating bansa, yan ang budget so I don’t think theres any changes now in the chairmanship or the composition of leadership dahil its too disruptive,” ani Marcos.
Ipauubaya rin umano ng mga ito kay Dy kung magkakaroon ng balasahan matapos maipasa ang pambansang pondo na sa susunod na linggo ay isasalang na sa plenaryo para pagdebatehan.
Hindi rin masagot ng mambabatas kung magkakaroon ng posisyon si Romualdez dahil ipauubaya umano ng mga ito ang desisyon sa bagong Speaker.
(BERNARD TAGUINOD)
194 