E-POWERS KAY PDU30 KONTRA RED TAPE, SESERTIPIKAHANG URGENT

NAKATAKDANG sertipikahan bilang urgent ni Pangulong Rodrigo Roa Duterte ang batas na magbibigay sa kanya ng anti-red tape emergency powers sa gitna ng COVID-19 pandemic.
Sa isang pagdinig hinggil sa 2021 budget ng Office of the President (OP), araw ng Lunes ay sinabi ni Executive Secretary Salvador Medialdea na ang batas ay masesertipikahan bilang urgent.
“We will act on your request,” ayon kay Medialdea bilang tugon sa naging kahilingan ni Senador Juan Miguel Zubiri.
“ES assured us na i-certify as urgent ‘yung ating Senate Bill,” ayon naman kay Senator Christopher Lawrence “Bong” Go.
Kapwa tinukoy ng mga senador ang Senate bill na magbibigay kay Pangulong Duterte ng emergency powers para putulin ang red tape at paiksiin ang transaksyon sa gobyerno.
Nauna rito, inendorso na sa plenaryo ng Senado ang panukalang batas na magbibigay kay Pangulong Duterte ng special powers para mapabilis ang pagkuha ng mga lisensya at permit.
Sa ilalim ng Senate Bill No. 1844, kung may national emergencies, gaya ng health emergency, bibigyan ang pangulo ng kapangyarihan na suspendihin ang ilang requirements at paiksiin ang panahon ng pagkuha ng mga dokumento gaya ng transaksyon sa gobyerno.
Si Senate Majority Leader Juan Miguel Zubiri ang nag-sponsor sa panukala.

Co-sponsor naman sina Sen. Bong Revilla Jr. at Sen. Christopher “Bong” Go, na dating assistant ni Duterte.
Sa kanyang sponsorship speech, sinabi ni Zubiri na masakit makita na hanggang ngayon na may coronavirus disease 2019 (COVID-19) pandemic ay hindi pa rin nawawala ang problema sa red tape, at maging si Duterte mismo ay nagpahayag ng pagkadismaya rito. (CHRISTIAN DALE)

133

Related posts

Leave a Comment