PINASASAGOT ng isang mambabatas sa gobyerno partikular sa Department of Labor and Employment (DOLE) ang 13th month pay ng mga manggagawa sa pribadong sektor.
Ginawa ni BHW party-list Rep. Natasha Co ang pahayag lalo na sa small and medium enterprises kasunod ng mungkahi ng DOLE na ipagpaliban muna ang 13th month pay dahil sa epekto ng pandemya sa mga negosyante.
Ayon sa mambabatas, kahit kalahati lamang sa bonus ng mga ordinaryong manggagawa sa maliliit na negosyo sa bansa ay puwedeng sagutin ng gobyerno upang hindi mabokya ang mga ito ngayong Pasko.
“I ask the DOLE, DBM (Deparment of Budget and Management), and DOF (Department of Finance (DOF) to crunch the numbers on what and how much it would take for the national government to partially subsidize the 13th month pay of rank and file employees of small and medium sized enterprises that have reopened for business,” ani Co.
Sinabi ng mambabatas na walang nakasaad sa labor code na nagbabawal sa national government na sagutin ang bahagi ng bonus na hindi mabayaran ng mga employer sa kanilang mga empleyado ngayong Pasko.
“Perhaps we could aim for 50 percent of the minimum wage as the point of reference. Let us strive to find different ways to make the 13th month pay happen for the business which have reopened,” ayon pa sa mambabatas.
Gayunpaman, tanging ang mga empleyado ng maliliit na negosyante na nag-o-operate pa rin kahit papaano ang dapat bigyan ng gobyerno ng 13th month pay at hindi ang mga nagsara o ayaw pa ring bumalik kahit unti-unti nang binubuksan ang ekonomiya.
“We already have the databases of eligible employees and businesses which DOLE and SSS used for direct cash grants earlier this year,” ayon pa kay Co upang hindi na mahirapan magpasya kung sino ang nararapat na bigyan ng gobyerno ng 13th month pay.
Bawal ipagpaliban
Kaugnay nito, maaari lamang ipagpaliban ang pagpapalabas o pagbibigay ng mandatong 13thmonth pay sa mga manggagawa kung aamyendahan ang batas.
Ito ang pahayag ni Presidential spokesperson Harry Roque.
“The law has not been amended. That is the law. That is a mandatory provision of the Labor Code,” ayon kay Sec. Roque.
Sa ulat, posibleng payagan ng DOLE ang pansamantalang pagpapaliban ng pagbibigay ng mga kumpanya at mga negosyo ng 13th month pay sa kanilang mga empleyado.
Ayon kay Labor Sec. Silvestre Bello III, ito ay dahil “distressed” ang mga kumpanya dahil sa COVID-19 pandemic.
Sinabi ni Bello, pinag-aaralan na ng kagawaran ang mga hakbang upang mabalanse ang kapakanan ng mga manggagawa at mga kumpanya habang bumabangon ang ekonomiya matapos ang ilang buwang lockdown.
Aniya, bagamat kabilang sa kanilang pinag-aaralang hakbang ang payagan ang mga kumpanya na huwag na lamang munang magbigay ng 13th month pay—ay mas nais nila ang deferment o i-delay na lamang muna ang pagbibigay nito.
Dahil dito, sinabi ni Bello na maglalabas ang DOLE ng advisory para matukoy ang mga itinuturing na distresssed na kumpanya at mga negosyo.
Tiniyak naman ng kalihim na kanilang kokonsultahin ang mga labor at business groups hinggil sa naturang usapin.
Pautang sa MSMEs
Hinikayat naman ni Senador Joel Villanueva ang Department of Trade and Industry (DTI) na dagdagan at pabilisin ang proseso ng pautang upang tulungan ang mga micro, small and medium enterprises (MSMEs) hindi lamang para makabangon kundi para may sapat silang pondo na pambayad sa sahod at benepisyo tulad ng 13th month pay.
Sa pahayag, sinabi ni Villanueva na nakatakda sa ilalim ng Bayanihan to Recover as One Act (Bayanihan 2) na naglaan ng P10 bilyon para sa dagdag-kapital sa Small Business Corporation na nagpapautang sa mga MSME na naapektuhan ng pandemya.
“Isa pong mahalagang probisyon sa pagpapautang ay ang commitment ng kumpanya na panatilihin ang employment ng kanilang mga manggagawa,” paliwanag ni Villanueva, chairman ng Senate labor committee.
“Access po sa kapital ang napakahalaga sa mga MSMEs para maka-survive sa epekto ng pandemya dahil limitado pa rin ang operasyon ng karamihan ng mga negosyo,” dagdag ni Villanueva.
Sinabi ni Villanueva na mahalaga ang MSMEs sa pagbangon ng ekonomiya dahil aabot sa 99% na nakarehistrong negosyo ay galing sa naturang kategorya, na may 5.7 milyong manggagawa, ayon sa data ng DTI.
Inilarawan din ng senador ang paghihirap ng ilang negosyo na nagpahatid ng alarma na baka di nila kakayanin na magbayad ng 13th month dahil naipit sila.
Inaasahang magpupulong ang tripartite council na kinabibilangan ng labor department, grupo na kumakatawan sa paggawa at employer, sa Martes upang talakayin ang naturang isyu. (BERNARD TAGUINOD/CHRISTIAN DALE/ESTONG REYES)
109