MARAMI ang nagtataka kung bakit naglipana ang E-Sabong o online sabong sa Facebook.
May kanya-kanya silang gimmick para makakumbinsi ng kanilang mga manlalaro.
Isa sa tagasubaybay ng PUNA ang minessage sa kanyang Facebook ng isang babae na kilalanin na lang nating si “Apple”.
Gamit niya ang SW418 E-Sabong. Ayon kay Apple sa ating source, ahente raw siya ng SW418 E-Sabong kaya nangangalap siya ng maglalaro sa nasabing online sabong.
Hindi marunong magsugal ang source ng PUNA, sa E-Sabong pero dahil sa pangungumbinsi ng ahenteng si Apple ay gusto niya raw subukan maglaro nito.
Sinabi kasi ni Apple na sa pamamagitan daw ng GCash ang pagtaya sa online sabong, madali lang kung ganun.
Siyempre ‘pag tumama ang kanyang kliyente ay sa pamamagitan din ng GCash ibibigay ang kanyang napanalunan.
Ipinangako ni Apple sa ating source na kapag nasubukan nitong maglaro ay uulit-ulitin na nito.
Hindi lang diniretsa nito na maaadik ang ating source sa sugal.
‘Pag ganitong kalakaran ay hindi natin masisiguro na nasa tamang edad lang ang kanilang makukumbinsing maglaro ng E-sabong.
Panahon ngayon ng pandemya, halos lahat ng kabataan ay nakatutok sa internet dahil sa kanilang online learning o klase.
Lalo na at magaling mangumbinsi ang kanilang mga ahente tulad ni Apple.
Karamihan pa man din sa mga ahente ng E-Sabong ay bata pa at may mga itsura.
Para nga naman madali nila makumbinsi ang kanilang mga kliyente. Galing!
Kaya naman pati ang source ay gusto na rin subukang maglaro ng E-Sabong.
Tanong ngayon ng marami, legal daw ba itong SW418?
May permit daw ba ito sa Philippine Amusement and Gaming Corporation (PAGCOR)?
Sinikap ng PUNA na makuha ang panig ng SW418 E-Sabong subalit wala tayong nakuhang contact number nila.
Sa nakuha nating info, kabilang sa mga pinayagan ng PAGCOR na E-Sabong ay ang E. Sports Encuentro Live Corp., Visayas Cockers Club, Inc., Belvedere Vista Corp. at Lucky 8 Star Quest.
Kung apat pa lang ang inaprubahan ng PAGCOR, bakit patuloy pa ring nakakapag-operate ang iba na hindi lisensiyado?
Siyempre, ang mga hindi pinayagan ng PAGCOR, sila ang maaaring gumawa ng ilegal at makapambiktima ng mga menor de edad na maglaro ng sugal na ito.
Kinakailangang kumilos ang mga awtoridad laban sa mga hindi lisensiyadong online sabong.
Kawawa naman ang mga bata na malululong dito, sisirain nito ang kanilang mga pag-aaral.
Lalo na ang mga bata na wala ang kanilang mga magulang na sumusubaybay sa kanila.
oOo
Para sa suhestiyon at reaksyon mag-email sa joel2amongo@yahoo.com o mag-text sa cel# 0919-259-59-07.
